Oplus_0

BAYAN NG OBANDO, Bulacan — Naaresto ng mga tauhan ng Obando Municipal Police Station ang suspek sa isang insidente ng robbery hold-up nitong Sabado Nobyembre 15.

Ayon sa ulat mula sa Obando MPS sa pamumuno ni PMAJ. ERICKSON S. MIRANDA, isang walk-in concerned citizen ang nagtungo sa himpilan upang ireport ang naganap na pangho-holdap sa Brgy. Paliwas ng nasabing bayan bandang alas 4 ng madaling araw. Biktima ang isang lalaking senior citizen na isang 64 taong gulang na tricycle driver at Brgy. Kagawad mula sa Lungsod ng Valenzuela.

Agad na rumesponde ang mga Pulis Obando  at pagdating sa lugar ay matagumpay na naaresto ang suspek na isang 44 taong gulang na Grab driver at residente ng Deato Subdivision sa kaparehong lungsod

Narekober sa suspek ang isang cal.38 revolver na walang serial number at walang bala, at wallet ng biktima na naglalaman ng mga ID’s at pera na nagkakahalaga ng  10 libong piso at agad dinala ang suspek sa Obando MPS para sa wastong imbestigasyon at disposisyon. Kasalukuyan nang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa arestadong suspek.

Pinuri naman ni PCOL ANGEL L. GARCILLANO, Provincial Director ng Bulacan PPO ang mabilis na aksyon ng Obando MPS na nagresulta sa agarang pagkakadakip ng suspek. Nanawagan din ang kapulisan sa publiko na patuloy na makipagtulungan at agad magsumbong ng anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatiling ligtas ang buong lalawigan ng Bulacan.

Ang Bulacan PPO ay nananatiling nakahanda at patuloy na nagseserbisyo para sa kapayapaan at seguridad ng bawat Bulakenyo. ###