Muling i-re-refile ni Senador Risa Hontiveros ang “Free Dialysis for Senior Citizens Act” sa 19th Congress. Ang priority legislation na ito ay sinimulan niyang isulong sa kanyang unang termino, na naging kumplikado ang huling tatlong taon dahil sa pagkalat COVID-19 sa bansa.
Ang panukala ay nananawagan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng paggamot para sa mga senior citizen na sumasailalim sa dialysis. “Ramdam pa rin natin ang epekto ng pandemya. Ngayon ay may mga panibagong pasanin pa ang ating ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina, kaya kailangan nating patuloy na alalayan sila,” ani Hontiveros.
Paliwanag ng senadora, ang mga senior citizen ay kabilang sa mga “most vulnerable” na may Chronic Kidney Disease (CKD). Ang pagtanda ay kadalasang may kasamang mga kundisyong higit na nakompromiso ang kidney function katulad ng heart diseases, high blood pressure, and diabetes.
Ang bawat pasyente ay nangangailangan ng kabuuang 156 sessions ng dialysis para sa isang buong taon ng paggamot. Kung wala ang PhilHealth subsidy, magbabayad sila ng humigit-kumulang P12,000 kada linggo para sa mga sesyon ng dialysis. Karamihan ng mga senior citizen ay umaasa sa kanilang kakarampot na pensiyon at walang ibang pinagkukunan ng kita, kaya kailangan nila ng tulong pinansyal para sa pagpapagamot.
Pahayag ni Hontiveros, “Since then, we’ve been calling on PhilHealth to continue the free dialysis service. Every year, senior citizens would keep asking us if the free dialysis sessions would continue. Kaya sa tingin ko ay dapat nang gawing batas ito para mabigyan. ng kapanatagan ang mga lolo at lola nating umaasa rito. This isn’t just any privilege. It’s literally their lifeline. Dapat automatic na yung pagiging libre ng kanilang dialysis sessions.”
Noong Nobyembre 2020, tumulong si Hontiveros na itulak ang PhilHealth na dagdagan ang bilang ng libreng dialysis sessions mula 90 hanggang 144. Noong 2021, inihain ni Hontiveros ang Senate Bill No. 2053 o ang “Free Dialysis for Senior Citizens Act of 2021” upang matiyak na patuloy na makakakuha ng 144 free dialysis sessions ang mga senior citizens. Ito ay isang napakaimportanteng hakbang, lalo na dahil nagawan ng paraan na pagbigyan ang hiling sa gitna ng pagdurusa ng ekonomiya dahil sa pandemya.
Hinihimok din ngayon ng senadora ang Department of Health (DOH) na tutukan ang disease prevention awareness sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kampanya para sa health promotion. Kabilang na rito ang early detection ng possible renal problems sa senior citizens and pati na rin sa kabataan. Sinabi ni Hontiveros, “Mas mabuti kung makapag-focus din tayo sa prevention aspect. Ideally, dapat maiwasan natin ang paglala ng mga sakit na mangangailangan ng regular treatment gaya ng dialysis.”