Nagbibigay ng mensahe bilang Panauhing Pandangal si Kalihim Mina F. Pangandaman ng Department of Budget and Managament o DBM, sa isinagawang National Youth Convention 2023 nitong Disyembre 9 hanggang Disyembre 11 sa Philippine Military Acaemy, Lunsod ng Baguio. – DBM

LUNSOD NG BAGUIO – Hinimok ni Kalihim Mina F. Pangandaman ng Department of Budget and Management ang mga Sangguniang Kabataan officials at cadet officers ng bansa na ibigay ang nararapat na serbisyo sa mga Pilipinong nagtiwala sa kanilang kakayahan na mamuno. 

“Bilang mga kabataang lider, kayo ang pinili ng taumbayan. Huwag po nating sayangin ang kumpiyansa at tiwalang ipinagkaloob nila sa inyo,” pahayag ni Kalihim Pangandaman sa ikatlong araw ng National Youth Convention 2023 na idinaos sa Philippine Military Academy, Lunsod ng Baguio.

Ipinahayag din ng Kalihim na buo ang kanyang tiwala at suporta sa mga makabagong kabataang Pilipino na may tapat at prinsipyo ng mga ito na baliin ang ilan sa mga nakagawian. 

“Bilang mga bida ng Bagong Pilipinas, you have my 100 percent faith and support,” pagbibigay-diin ni Pangandaman. 

Siniguro naman ni Kalihim Pangandaman na  kasangga ng mga batang lider ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglikha ng mga proyektong magpapaunlad sa kakayahan at kapasidad ng mga kabataang Pilipino. 

Patunay dito ang inilaang P1.6 bilyon ng DBM para sa Philippine Military Academy sa panukalang 2024 national budget. 

Para naman mas palawakin ang kapasidad ng mga youth leaders, naglaan ng P47.9 milyon ang DBM sa Sangguniang Kabataan Mandatory and Continuing Training fund.

Sa huli, hinimok ni Pangandaman ang mga kabataan na makiisa sa adhikain ng pamahalaan na maghatid ng mas magandang buhay para sa mga Pilipino. 

“We are counting on all of you. It’s your time to take on the mantle of leadership and help us achieve our Agenda for Prosperity,” dagdag pa ng Kalihim. 

Kasamang dumalo ni Kalihim Pangandaman sina DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran at DBM Region 1 Director Ria Bansigan. – PR