DILG Sec. Benhur Abalos, nagsilbing panauhing pandangal
LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex C. Castro, ang pagbubukas ng Singkaban Festival 2024 nitong Lunes, Setyembre 9 sa harapan ng Gusali ng Kapitolyo sa lunsod na ito.
Ika 19 na ang tinaguriang “Mother of All Fiestas” ng lalawigan ng Bulacan, na nakaangkla sa temang “Pagyakap sa Kasaysayan, Pagsulong sa Kinabukasan” at pinakaaaabangan ng mga Bulakenyo.
Nagsilbing panauhing pandangal si Department of the Interior and Local Government o DILG Secretary Atty. Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. na kinatawan ng anak na si Mandaluyong City Councilor Charisse Marie Abalos-Vargas.
Sa mensahe ni Sec. Abalos na inihayag ni Konsehal Abalos-Vargas, binati niya ang mga Bulakenyo sa pagdiriwang ng isang lingggong kapistahan at pinasalamatan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa suportang ibinibigay sa mga programa at proyekto ng DILG.
Bilang positibong ganti, makakaasa din ang lokal na pamahalaan ng lahat ng tulong na maibibigay ng Kagawaran para sa mga pangangaalangan nang buong lalawigan.
Emosyonal na ipinaliwanag din ni Kon. Abalos ang papel na ginamapanan ng kanyang ama sa kontrobersyal na isyu patungkol sa paggamit ng pribadong eroplano matupad lang ang tungkuling maiuwi sa Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nang walang palit-ulo mula sa Indonesian Government.
Inaanyayahan naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang lahat ng Bulakenyo na tunghayan ang isang linggong engrandeng kapistahan na magtatanghal sa mayamang sining at kultura, kasaysayan at pamana, at turismo ng lalawigan.
“Ang atin pong taunang pagdiriwang ay magpapakita ng pinaghalong tradisyunal at moderno nating nakagawian na tiyak na pupukaw sa lahat ng Bulakenyo, anumang edad o kasarian. Sinigurado po natin na magiging inklusibo ang Singkaban Festival at magiging makabuluhan ito sa ylahat ng miyembro ng ating lipunan,” anang gobernador.
Matapos magbigay ng mensahe ang gobernador, sinamahan niya ang mga dumalo sa panonood mula sa 2 naglalakihang LED screen ng video recording ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid, isang Bulakenya rin, na opisyal na kinanta ang Dangal ng Lahing Filipino, kantang patungkol sa buong lalawigan ng Bulacan.
At sa kanyang hudyat, pormal na binuksan ni Gob. Fernando ang Singkaban Festival sa pamamagitan ng kamangha-manghang fireworks display na inihanda ng Dragon Fireworks.
Isa-isa nang paumarada ang kalahok sa Marching Band Competition at Parada ng Karosa sa harapan ng mga panauhin , na nakaragdag ng kulay at saya sa pagbubukas ng kapistahan. Sa pagtatapos ng seremonya nang pagbubukas ng Singkaban Festival, itinanghal na kampeon sa Unang Marching Band Competition ang Banda 85 na nagmula sa bayan ng Santa Maria.