LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Kaisa si Gobernador Daniel R. Fernando ng Bulacan Provincial Police Office o BPPO sa layunin nitong palakasin ang kampanya laban sa krimen sa lalawigan.
Sa idinaos na programa para sa activation ng Tactical Motorcycle Riding Unit o TMRU sa bakuran ng Camp General Alejo S. Santos kamakailan sa lunsod na ito, binati ni Gob. Fernando ang BPPO sa pangunguna ni OIC PCol. Relly B. Arnedo.
Anang gobernador, mapapagbuti nang nasabing programa ang abilidad ng kapulisan sa agaran at mabilisang taktikal na paraan sa pagresponde sa mga krimen sa lansangan habang ginugupo ang kakayahan ng mga motorcycle-riding offender.
“Ito po ang pinakamabilis na paraan para labanan ang kriminalidad at makamit ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Sa pamamagitan nito, hindi na madaling makatatakas ang riding in tandem dahil siguradong hahabulin sila ng puwersa ng kapulisan”, ani Fernando.
Sinabi rin ng gobernador na may paparating na dalawang behikulo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, isang van at isang Sports Utility Vehicle.