Inilunsad ang Kabalikat sa Kabuhayan Farmer’s Market Day sa lungsod ng San Jose del Monte bilang suporta sa mga lokal na magsasaka na magkaroon ng dagdag na kita. - SM SJDM


LUNSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan — Inilunsad ang Kabalikat sa Kabuhayan Farmer’s Market Day sa lunsod ng San Jose del Monte bilang suporta sa mga lokal na magsasaka na magkaroon ng dagdag na kita.

Katuwang ng City Agriculture Office sa programa ang SM Foundation, Department of Social Welfare and Development o DSWD at Department of Trade and Industry o DTI.

Ayon kay City Agriculturist Flora San Felipe, tampok dito ang fresh lettuce, pinya, oyster mushroom, red lady papaya, at sari-saring gulay na pang-sinigang, pinakbet at kare-kare 

Ang mga magsasaka aniya ay sumailalim sa 12 linggong pagsasanay at tinuruan ng epektibong backyard planting at small scale farming technologies upang maitaas ang kalidad at dami ng kanilang ani.

DSWD ang tumukoy sa mga sumailalim sa pagsasanay habang ang DTI ang tumulong sa paghahanda ng mga ito sa pagnenegosyo at mga dokumento para sa business-related activities.

Mabibili ang mga nasabing gulay tuwing araw ng Biyernes sa SM City San Jose del Monte. (Vince F. Concepcion/-PIA 3)