
LUNSOD NG BAGUIO — Nagkaisa ang 50 kabataang Malolenyo na delegado sa isinagawang City of Malolos Youth Congress 2025 na sinimulan nitong Biyernes, Marso 7 at nagtapos ng Sabado, Marso 9 sa lunsod na ito.
Iba’t ibang samahan ng mga kabataan sa lunsod ng Malolos ang nagsama-sama upang talakayin ang kanilang mahalagang papel sa pagtataguyod ng isang mas masigla, inklusibo, at sustainable na hinaharap para sa kanilang siyudad.
May temang “Youth as Agents of Change for a Sustainable Future” ang nasabing pagtitipon na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon tulad ng JCI Malolos, Elevate Malolos, LGBTQIA+ Malolos, ISLAO, PCCAMHS, Ginoo at Binibining Malolos, SAMA KA PO INC., KAYAKAP, BulSU Bahaghari, SSLG MHPNHS, PCY Malolos Cathedral, SK Treasurers ng Malolos, PYAP Malolos, at mga SK Councilors at SK Chairpersons.
Sa kanilang mensahe bago simulan ang youth congress, binigyang diin nina City Youth Development Officer Bryan Paulo S. Santiago, SK Federation President Rian Maclyn R. Dela Cruz, at SK Federation Vice President Romeo Gabriel P. Santos, ang kahalagahan nang pagkakaisa ng kabataan at hinikayat ang lahat na aktibong makilahok sa makabuluhang talakayan.
Hinimok din nila ang mga delegado na magtulungan sa pagbuo ng mga solusyong maghahatid sa mas maunlad at mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
Nagpahayag naman ng suporta sina Vice Mayor Migs Bautista at Konsehal Troi Aldaba. Ayon kay Vice Mayor Bautista, patuloy nilang susuportahan ang mga kabataan at hinimok niya ang mga ito na huwag matakot mangarap.
“Mahalagang ibahagi at ituro sa kapwa kabataan ang kahalagahan ng kolektibong pagkilos upang matugunan ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng lipunan,” dagdag pa niya
Binanggit naman ni City Administrator Joel S. Eugenio na posibleng simulan ngayong taon ang pilot testing ng Smart City Roadmap.
Malaki aniya ang tiwala ni Mayor Atty. Christian D. Natividad sa kakayahan ng mga kabataan dahil sila ang may mga makabago at malikhaing ideya na maaaring makatulong sa pagpapabuti ng mga proyekto ng pamahalaang lunsod.
Samantala, nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding para sa BUKLODAN o Buklod Kabataan Program.
Naglalayong pagtibayin nang kasunduang ito ang ugnayan ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos, City Youth Development Council (CYDC), City Youth Development Alliance (CYDA), at Pederasyon ng mga Sangguniang Kabataan (PSK) upang higit pang mapalakas ang partisipasyon ng kabataan sa pamamahala at pagpapaunlad ng kanilang komunidad. – Ni Harold T. Raymundo
- 30 –