LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Sa ikalawang pagkakataon, muling nagwagi ang ‘Halamanan Festival’ ng Bayan ng Guiguinto at naiuwi ang kampeonato sa isinagawang awarding ceremony ng Indakan sa Kalye bilang isa sa mga tampok na gawain ng Singkaban Festival na ginanap nitong Miyerkules, Setyembre 15 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.
Bago ang programa, binuhay muli ng mga kalahok ang kalsada ng Malolos Cathedral patungo sa Bulacan Capitol Gymnasium sa pamamagitan ng kanilang misiglang pagsasayaw at makukulay na kasuotan at mga props na nagtatampok ng iba’t ibang kapistahan sa lalawigan.
Laban sa pito pang ibang grupo, naiuwi ng Bayan ng Guiguinto ang premyong P120,000 bilang kampeon at isa pang premyo na nagkakahalaga ng P20,000 para sa pagkapanalo ng ‘Best in Costume’ na may kasamang tropeo, sertipiko at gift packs mula sa sponsors habang ang ‘Tanglawan Festival’ naman ng Lungsod ng San Jose Del Monte ay nakamit ang ikalawang gantimpala na may premyong P80,000, tropeo, sertipiko at gift packs at ang ‘San Rafael Angels’ naman mula sa Bayan ng San Rafael ang nakasungkit ng ikatlong gantimpala na may premyong P50,000 at karagdagang P20,000 para sa pagkakapanalo ng ‘Best in Street Dance’ na may kasamang tropeo, sertipiko at gift packs.
Tumanggap rin ng papremyong P20,000, tropeo at sertipiko ang mga karangalang banggit kabilang na ang Libad Festival ng Calumpit; Sto. Niño De Malolos ng Lungsod ng Malolos; Suguran Festival ng Lungsod ng Meycauayan; Kneeling Carabao ng Pulilan at Palaisdaan Festival ng Hagonoy.
Dagdag pa rito, wagi rin ng unang gantimpala ang karosa ng Santa Maria na ‘Debosyon at Kultura’ sa Parada ng Karosa at naiuwi ang premyong P100,000 at tropeo; ang ‘Pandi, Bayan Ng Kasaysayan (Kakarong De Sili) para sa ikalawang gantimpala na may premyong P60,000 at tropeo at ‘Pagoda ni Apo Ana’ sa ikatlong gantimpala na may premyong P40,000 at tropeo.
Nanalo rin ng unang gantimpala ang Bayan ng Hagonoy sa Singkaban ng Bayan: Arc Making Competition at nag-uwi ng premyong P80,000 at tropeo habang si John Errol P. Pascual naman mula sa Bayan ng Calumpit ang nanalo ng unang gantimpala sa Bulacan Festival Costume Expo.
Samantala, inihayag ni Gobernador Daniel R. Fernando ang kanyang pasasalamat sa mga Bulakenyong nakiisa sa pagdiriwang ng Singkaban at hiniling na wala nang iba pang krisis ang makapigil sa iba pang selebrasyon sa lalawigan.
“Nagpapasalamat po kami at alam ko po na kulang pa ang pasasalamat sa inyong ginawang partisipasyon sa ating Singkaban. Sunud-sunod na po iyan at idalangin natin na sa mga susunod pang panahon ay wala nang mga pandemya o krisis na dumating para tuluy-tuloy ang programa ng ating mga bayan-bayan sa kanilang festivities,” anang goberbador. — PPAO
###