Ang mga lumahok sa programang KASIMBAYANAN ng Malolos City Police Station sa pangunguna nina Mayor Christian D. Natividad (gitna) at PLt.Col. Ferdinand D. Germino kasama sina Konsehal Noel Sacay, ABC President Dionisio Mendoza, Digna Enriquez CGLOO VI ng DILG Engr. Reynaldo Garcia GSO Head at mga opisyal at pinuno ng ibat-ibang simbahan at ibat-ibang sektor ng pamayananan. - Malolos CIO

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Suportado ni Mayor Christian D. Natividad ang KASIMBAYANAN o KApulisan, SIMBAhan at pamaYANAN na inilunsad ng Malolos City Police Station nitong Biyernes, Setyembre 9 sa Tanggapan ni Acting Chief-of-Police PLt. Col. Ferdinand D. Germino sa lunsod na ito.

Ang KASIMBAYANAN ay isang programang nasyonal na nagmula sa pinagsama-samang pwersa ng Kapulisan, Simbahan at ng Pamayananan.

Layunin ng nasabing programa na pagtibayin ang pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isa tungo sa hindi lamang sa agarang pagresolba ng krimen kung hindi sa pagpapalakas at pagpapahusay ng moralidad ng bawat isa sa haharaping pagsubok at mga tukso na kaakibat ng araw-araw na paglilingkod sa pamayananan.

Sa mensahe ni Mayor Agila sa ginawang paglulunsad, patuloy aniya ang magiging suporta ng Pamahalaang Lunsod ng Malolos sa mga ganitong programa na may layon na mapalawak ang kamalayan ng bawat Maloleño na ang lahat ng suliranin o problema ay mas madaling matutugunan sa sama-samang pagkilos, pagkakaisa, bukas na komunikasyon at maayos na relasyon ng lahat ng sektor ng pamayananan.

Dumalo rin sa gawain sina konsehal Noel Sacay, ABC President Dionisio Mendoza, Digna Enriquez CGLOO VI ng DILG, Engr. Reynaldo Garcia GSO Head, PLTCOL Ferdinand D Germino, ACOP ng Malolos CPS, mga opisyal at pinuno ng ibat-ibang simbahan at ibat-ibang sektor ng pamayananan.