MANILA HOTEL, LUNSOD NG MAYNILA – Tumanggap ng ‘CDA Gawad Parangal’ si Gobernador Daniel R. Fernando sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan mula sa Cooperative Development Authority (CDA).
Ito’y bilang pagkilala sa mga epektibong proyekto at programa na nagpapanatili at lalong nagpapatatag sa 380 na mga aktibong kooperatiba sa Bulacan. Mayroon itong 396,818 mga aktibong kasapi habang nakalikha ng nasa 10,821 mga trabaho.
Ayon kay Jeline Reyes, senior deputy cooperative development specialist ng CDA-Region III, nananatiling ang Bulacan ang Cooperative Capital ng Pilipimas dahil sa katatagan ng maraming mga kooperatiba at lalong lumalaki ang halaga.
Base sa tala ng CDA nitong Oktubre 2022, nasa P17.8 bilyon na ang halaga ng mga kooperatiba sa Bulacan. Ito ay mahigit sa doble ng P6 bilyon na naitala noong mga taong 2008 at 2009.
Mula nang maging aktibo ang Bulacan sa pagtatayo at pagpapalaganap ng mga kooperatiba noong 1991, katuwang na ito sa pagtataguyod ng mga proyekto at programang pang-agrikultura, para sa mga MSMEs, mga industriya at ngayon sa transportasyon sa ilalim ng Public Utility Vehicles (PUV) Modernization Program.
Ipinaliwanag naman ni Jerry Caguingin, tagapagsalita ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office (PCEDO), na bukod sa pagkilala sa katatagan at lalong paglago ng mga kooperatiba sa Bulacan, isa rin sa aspeto ng pagkakaloob ng CDA Gawad Parangal ay ang pagkakatatag at patuloy na pag-iral ng PCEDO.
Ito ang tanggapan na nilikha ng pamahalaang panlalawigan sa nakalipas na dalawang dekada na nakatutok sa pagpapaunlad nitong mga kooperatiba.
Kaya naman bilang bahagi ng economic recovery ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan mula nang tumama ang pandemya, hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang iba’t ibang sektor na subukang magdagdag at magtayo pa ng mga kooperatiba.
Nagpahayag din siya na magbibigay ng suportang pampanimula ang pamahalaang panlalawigan at aagapay na makapagrehistro sa CDA.
Naniniwala ang gobernador na kung mas maraming Bulakenyo pa ang magiging aktibong kasapi ng mga kooperatiba, magsisilbi itong pangmatagalang tulong upang ganap na maka-ahon sa kahirapan at makabawi mula sa mga epektong idinulot ng pandemya.
Samantala, pinagkalooban din ng CDA Gawad Parangal si San Jose Del Monte City Mayor Arthur Robes at ang San Jose Savings and Credit Cooperative. — Shane Frias Velasco/PIA 3-BULACAN