Senador Risa Hontiveros, nangunang tagasuporta
BAYAN NG GUIGUINTO, Bulacan – Pormal na Inilunsad sa lalawigan ng Bulacan ang kampanyang “KiBam” nitong Sabado, Nobyembre 9 sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center sa bayan na ito.
Nagsilbing mga panauhin sa nasabing kampanya na hango sa kanilang mga pangalan, sina dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Paulo Benigno “Bam” Aquino na parehong nagnanais makabalik sa Mataas na Kapulungan.
Layunin ng KiBam na pagkaisahin ang mga Pilipino na suportahan ang isang platapormang kinapapalooban nang pamamahalang bukas at walang itinatago sa publiko, pagpapalakas ng ekonomiya, katarungang panlipunan, at pagpapalakas sa kabataan.
Personal na sinuportahan ni Senador Risa Hontiveros ang “KiBam” kasama si dating Bulacan Provincial Administrator Gladys Sta. Rita, na dati ring President and CEO ng National Power Corporation, Mayor Atty. Agatha Paula “Agay” Cruz, Vice Mayor Banjo Estrella, kasapi ng Sangguniang Bayan, at mga kinatawan ng iba’t-ibang sektor.
Sa kanyang mensahe sa hindi magkamayaw na mga dumalong Bulakenyo, ibinida ni Pangilinan ang pagbaba ng presyo ng bilihin noong siya ay nanungkulan at gusto niyang uliting muli para sa kapakinabangan ng Sambayanang Pilipino.
“ Ang kailangan lang ay tapat, matapang, at mahusay na panunungkulan,” dagdag pa niya.
Ipinangako naman ni Aquino ang pagsusulong sa Senado na magkaroon ng Bulacan State University Guiguinto Campus kapag pinalad sa darating na halalan.
Dahil sa pangangailangan nang makakampi at matapang na tatayo sa mga isyung kinakaharap sa Mataas na Kapulungan, inendorso ni Hontiveros sina Pangilinan at Aquino para makasama sa Senado.
“Sana po ay tuluy-tuloy na itong ating pagsasamahan dahil kailangan po natin ng kakampi sa Senado! Kailangan po natin sina Kiko Pangilinan at Bam Aquino, “ anang Senador. – Ni Harold T. Raymundo
.