Nagpakuha ng larawan kay Kinatawan Salvador “Ka Ador” A. Pleyto at Mayor Jowar Bautista, ang mga magasasakang Angateno na mas makikinabang sa pinasinayaang Farm to Market Road sa Sitio Libisan Tumana (Bato) Brgy. Sulucan, Angat. Nasa larawan din si Vice Mayor Arvin Agustin at iba pang opisyal ng bayan ng Angat. – Harold T. Raymundo

BAYAN NG ANGAT, Bulacan – Pormal nang pinasinayaan ni Kinatawan Salvador
“Ka Ador” A. Pleyto ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan at Mayor Jowar Bautista, ang
katatapos lamang na Farm to Market Road nitong Martes, Abril 25 sa Sitio Libisan
Tumana (Bato) Brgy. Sulucan ng bayan na ito.
Nagkakahalaga ng limang milyong piso ang bagong kalsada na bukas na at
puwede nang daanan ng mga Angateno partikular ng mga magsasaka.
“Isa lamang ito sa mga mahahalagang proyektong nais nating maisakatuparan sa
ating Distrito 6 para sa Taong 2023,” ani Kinatawan Pleyto.
Sinabi rin ni Pleyto ang kahalagahan ng daanan para sa kanyang mga kadistritong
Angateno.
“Nawa’y makatulong ang nasabing proyekto lalo’t higit sa ating mga kapatid na
magsasaka upang mapabilis ang pagluluwas ng kanilang mga inaning produkto at
makarating sa mga pamilihan sa takdang oras,” anang mambabatas.

Dalawa sa mga magsasakang Angateno ang nagpahayag naman ng kanilang
saloobin sa kapaki-pakinabang na proyektong dala’y kaginhawaan sa kanilang
hanay.
Ayon kay Vic de Guzman, Jr., “lubos ang aming kasiyahan sapagkat nagkaroon
kami ng kinatawan na lumilingap sa kalagayan naming mga magsasaka. Malaking
tulong at ginhawa sa amin ang pagpapasemento ng aming kalsada. Mabilis na
naming mailuluwas ang aming mga produkto at makakarating ng sariwa sa
pamilihan ang mga gulay at iba pang pananim.”
“Biglang sumaya ang aming lugar sapagkat tuwing umaga ay maraming
nagpupunta upang dito magjogging. Kaya lang e dumami rin ang nanghihingi o
bigla na lang pumipitas ng gulay ng walang paalam” biro naman ni Tata Egay Cruz.
Kasama sa pagpapasinaya sina Vice Mayor Arvin Agustin, Association of Barangay
Captain President Richard Eric Cruz at iba pang opisyal ng bayan ng Angat.
Sumaksi rin sa nasabing pagtitipon si Kinatawan Ray Reyes ng AnaKalusugan Party
List na nagkataong naroon sa lugar para sa isang hiwalay na pagtitipon.
Samantala, nagsadya din si Kint. Pleyto sa “Medical Mission” na isinagawa sa
Sulucan Barangay Hall na pinangunahan ni Kinatawan Reyes ng AnaKalusugan
Party List.
Napansin ni Pleyto na masikip ang barangay hall, kaya sinabihan ng kinatawan si
ABC Pres. Cruz na humanap ng mas malaking lugar na mapaglilipatan ng bahay
pamahalaan ng barangay.
Agad namang tumugon si Mayor Bautista na siya ay tutulong sa pagbili ng lupang
pagtatayuan at paglilipatan ng mas malaking barangay hall ng Brgy. Sulucan.
Lubos din ang pasasalamat ni Kapitan Cruz sa mga tulong at suporta sa kanilang
Barangay ni Kinatawan Ador Pleyto.