Royal Institution, Singapore, kinikilala sa buong mundo
LUNSOD NG MAYNILA – Ginawaran ng pagkilala ng Royal Institution, Singapore o RIS si Kinatawan Salvador “Ka Ador” A. Pleyto ng Ika-6 na Distritio ng Bulacan nitong Biyernes, Nobyembre 10 sa Century Park Hotel ng lunsod na ito.
Kabilang sa iginawad ng RIS kay Kint. Pleyto ang Fellow of Singapore Professional Centre, Honorary Fellow of RIS, Doctor Fellow of RIS, at Doctor Fellow of the Royal Institution of Public Administration, Singapore.
Pinangunahan naman ni Dr. Samuel Salvador, chancellor ng pinakamalaking professional institution sa buong mundo ang paggawad ng titulo kay Kint. Pleyto sa isinagawang 39th International Conference and Conferment Ceremony, na may temang “Unifying Leadership in Business and Industry, Educators, and Public Administration as a Foundation of Good Governance.”
Dating nagsilbi si Kint. Pleyto sa Department of Public Works and Highways o DPWH sa loob ng 41 taon, kung saan mula sa mababang posisyon pataas ay nakamit niya ang pagiging Career Undersecretary.
Naglilingkod ngayon si Pleyto bilang Kinatawan sa bagong tatag na distrito ng Bulacan na kinabibilangan ng mga bayan ng Angat, Norzagaray at Santa Maria, kung saan siya naninirahan.
Sa kanyang mensahe bago isagawa ang seremonya ng pagkilala ibinahagi ni Kint. Pleyto ang kanyang personal na karanasan at ang kanyang malalim na pagtingin sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin sa higit na 4 na dekada ng kanyang serbisyo publiko.
Isinabuhay ani Pleyto ang salitang pakikisama sa kanyang mga nakatrabaho sa kahit sa ano pa mang posisyon, na hindi nakokompormiso ang kanyang mga personal na paninindigan at prinsipyo.
Ibinahagi din ni Kint Pleyto ang binitawang salita ni noo’y US President Ronald Reagan na “the greatest leader is not necessarily the one who does the greatest things… he is the one that gets the people to do the greatest things.”
Kasamang sa ginawaran ng natatanging pagkilala ng RIS si Commissioner Jo Mark M. Libre ng Commission on Higher Education o CHED.
Bago isagawa ang conferment ceremony, 17 research paper ang itinaghal sa pamamagitan ng poster exhibit, kung saan pinangunahan ni Kint. Pleyto at Com. Libre ang pagbubukas nito.
Ilan naman sa mga kilalang personalidad na naging fellow na ng Royal Institution, Singapore sina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, dating First Lady Imelda Marcos, mga dating Senador Aquilino Pimentel, Jr., Richard Gordon at Alfredo Lim, dating Punong Mahistrado Hilario Davide, Jr., at Pastor Apolllo Quiboloy.