CAMP OLIVAS, LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Bumaba ng 4.31% ang crime rate sa Gitnang Luzon nitong nagdaang taong 2024 kumpara ng taong 2023.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director PBGen. Redrico A. Maranan, may kabuuang 37,514 crime incidents na naitala mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2024 – mas mababa ng 1,689 mga insidente o 4.31% kumpara sa 39,203 insidente noong 2023.
Ang Peace and Order Index na kinabibilangan ng mga kasong Theft, Physical Injury, Robbery, Rape, Murder, Carnapping, at Homicide ay bumaba rin ng 122 mga insidente o 3.37%, mula sa 3,616 noong 2023, na naging 3,494 na lamang ngayong taon.
Gayundin, ang Peace and Order Non-Index Crimes o mga Special Laws tulad ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 9262 (Violence Against Women and their Children Act) ay bumaba ng 204 mga insidente o 1.58%, mula sa 12,931 noong 2023, na naging 12,727 na lamang ng taong 2024.
Samantala, ang Public Safety Index o mga kasong may kaugnay sa batas trapiko ay bumaba naman ng 1,363 insidente o 6.02%, mula sa 22,656 noong 2023, na naging 21,293 na lamang ng taong 2024.
Sinabi ni RD Maranan na, “Ang mga numerong ito ay hindi lamang nagpapakita ng ating mga pagsusumikap, kundi pati na rin ng epekto ng pagkakaisa at disiplina ng ating mga kasamahan sa kapulisan at ng buong komunidad. Malaking tulong din ang ating ipinatutupad na peace and order operational framework na Enhanced Police Presence (EPP) + Quick Response Time (QRT) + Counter Action Against Drug Groups, Criminal Gangs, and Private Armed Groups (CADCP) = Safe Region 3 (SR3) sa malaking pagbaba ng krimen.”
Hinihikayat din ni PBGen. Maranan ang patuloy na suporta ng publiko sa mga programa at kampanya ng PRO3. Dagdag niya, “Ang tagumpay na ito ay hindi natin magagampanan nang mag-isa. Ang pakikiisa ng bawat mamamayan sa pagsusumbong ng mga kahina-hinalang gawain, pakikilahok sa mga community-based crime prevention programs, at pagpapanatili ng disiplina ay mahalaga upang tuluyang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa ating rehiyon. Sama-sama nating gawin ang Gitnang Luzon na isang ligtas at mapayapang tahanan para sa lahat.”