LUNSOD NG MALOLOS, Bulaca – Sumentro ang pag-alaala sa Ika-124 Taong Anibersaryo ng Liberasyon ng Bulacan ang mga kasalukuyang hamon upang matamo ng mas nakararaming mamamayan ang kaginhawahan.
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Dr. Reynaldo S. Naguit, isang historyador at chancellor ng Bulacan State University (BulSU) External Campuses, na ang tunay na kahulugan ng pagdiriwang o pag-alaala tungkol sa Kalayaan ay masukat kung natatamo ng karaniwang mga mamamayan ang pag-angat ng antas ng pamumuhay.
Binigyang diin niya na walang kabuluhan na ipagdiwang ang Kalayaan kung walang kaginhawahan sa mga taong nagmana ng Kalayaan.
Kaya’t hinamon ni Dr. Naguit ang mga bago at muling halal na mga opisyal sa lokal at pambansang mga posisyon, na lubos na ganapin ang tungkulin upang maihatid ang lalawigan at ang bansa sa ganap na kaunlaran.
Kung naging matagumpay aniya ang mga bayani at ating mga ninuno sa pagkakatamo ng Kalayaan, dapat maging matagumpay din na matamo ang kaginhawahan sa pamamagitan na lubos na mapakinabangan ang mga biyaya ng Kalayaan.
Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), inaalala ang Liberasyon ng Bulacan kung kailan naitaboy ng mga Pilipinong kawal sa pangunguna ni Heneral Gregorio Del Pilar ang pwersa ng mga Kastila sa Bulakan noong Hunyo 24, 1898.
Nagsimula ito nang nilusob ng pwersa ni Heneral Del Pilar ang himpilan ng pwersa ng mga Kastila sa bayan ng Bulakan, ang noo’y kabisera ng lalawigan ng Bulacan, noong Hunyo 1, 1898. Sinundan ito ng iba’t ibang paglusob sa Biak-na-Bato sa San Miguel at sa San Ildefonso.
Sa pagsuko ng pwersa ng mga Kastila na nasa Bulakan, nakuha ni Heneral Del Pilar ang kapangyarihan ng Tanggapan ng Alcalde Mayor, ang posisyon na tinatawag sa kasalukuyan na gobernador o punong lalawigan.
Kaya’t siya ang naitala bilang kauna-unahang Alcalde Mayor o gobernador ng Bulacan mula noong Hunyo 24, 1898 hanggang sa kanyang kamatayan noong Disyembre 2, 1899.
Dahil dito, naitala rin ang Bulacan bilang isa sa unang walong lalawigan na nakapag-aklas at lumaya sa mga Kastila. Kaya’t sa naging disenyo ng watawat ng Pilipinas, isa ang Bulacan sa walong sinag ng araw na sumasagisag dito.
Ito ang nagbunsod na sa pamamahala ni Heneral Del Pilar bilang alcalde mayor, pinili ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang Bulacan para maging kabisera ng Pilipinas sa ilalim ng noo’y bubuuin at itatag na Unang Republika.
Sinimulan ito sa pamamagitan ng pagpili sa simbahan ng Barasoain sa Malolos para pagdausan ng mga sesyon ng noo’y bubuksan na Kongreso ng Malolos.
Ito ang nagbalangkas ng Saligang Batas ng 1899 na naglalaman ng iba’t ibang karapatang sibil na ipinagkaloob sa mga mamamayan na magagamit upang maiangat ang antas ng pamumuhay sa ilalim ng isang malayang bayan.
Kabilang dito ang karapatang makapag-ari, makatamo ng edukasyon, makapili ng relihiyon, makapili ng mapapangasawa, makapagpahayag ng saloobin at makaboto o maiboto.
Kalaunan, ang nasabing Saligang Batas ang nagratipika sa proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 at iba’t ibang lokal na liberasyon na nagtapos sa pagpapalaya sa Baler, Aurora noong Hunyo 30, 1899
Kaugnay nito, sinabi naman ni Alex Aguinaldo, kurador ng NHCP sa Bulakan, Bulacan, na hindi natatapos sa pagsasagawa ng mga ganitong programang pang-alaala ang tungkol sa Liberasyon ng Bulacan.
Sapagkat mainam aniyang naiuugnay ang mga aral ng kasaysayan sa hinaharap ng bansa na may epekto sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Magkatuwang na inorganisa ang programang pang-alaalang ito ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office (PHACTO) at ng Kabesera-Samahang Pangkalinangan ng Bulakan. – Shane Frias Velasco/PIA-3