KAMPO OLIVAS, LUNSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – “Sa ating patuloy na pagharap sa mga pagsubok ng ating bansa, lagi nating isapuso ang sinumpaan nating tungkulin: ang maglingkod at magbigay ng proteksyon. Mas higitan natin ang ating sinumpaang tungkulin at alalahanin natin ang bawat pamilyang pilipino na namumuhay nang panatag dahil sa ating matapat na pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan. I-alay natin ang ating serbisyo at maging ehemplo sa bawat bata na nangangarap ding maging alagad ng batas.”
Ito ang mensahe ni Gobernador Daniel R. Fernando na unang gobernador na naimbitahan bilang panauhing pandangal sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat kasama ang Philippine National Police-Police Regional Office sa pamumuno ni PBGEN Cesar R. Pasiwen na isinagawa nitong Lunes, Setyembre 6 sa PRO3 Parade Ground, Camp Julian Olivas, Lunsod ng San Fernando.
Binigyang papuri ni Fernando ang kapulisan mula sa PRO-3 dahil sa kanilang matagumpay na serye ng manhunt operations upang mahuli ang mga most wanted person at ang kanilang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga.
Sa totoo lang po, masasaktan ako kapag may napahamak o magbuwis ng buhay sa ating kapulisan lalo pa at batid ko naman ang inyong tapat na hangarin na maglingkod sa ating mga kababayan para maseguro ang kanilang kaligtasan, anang Peoples Governor.
Nangako rin siya na laging susuportahan ang PNP sa kanilang adhikain na mapanatili ang seguridad, kapayapaan at kaayusan sa bansa.
“Alam ko po na may kaakibat na tukso ang mabigat na responsibilidad na ito, subalit naniniwala akong mas marami ang huwaran at tapat sa inyong hanay. Makakaasa kayo na palagi ninyo akong katuwang sa inyong mga adhikain. In honor of our flag and your commitment to duty, I vow to do my part as the governor of the Province of Bulacan to strengthen our uniformed services in our jurisdiction. Let us reinforce our solidarity towards an inclusive, peaceful, and humane future,” aniya.
Bilang panauhing pandangal, pinangunahan din ng gobernador ang paggawad ng ‘Medalya ng Papuri’ sa sampung PNP Personnel para sa kanilang mahusay na serbisyo at matagumpay na operasyon laban sa mga kriminalidad.
Kabilang sa mga dumalo ay ang command group na kinabibilangan nina PBGEN Jerry F. Bearis, PCol Jay Reyes Cumigad, Pcol. Lawrence B. Cajipe at Provincial Director PCol Charlie A. Cabradilla.