24th Gawad Kalasag Joint National and Regional Awarding
LUNSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nagkamit ang Pamahalaang Lunsod ng Malolos ng “Beyond Compliant” award, na Gawad Kalasag Seal for Excellence para sa disaster risk reduction sa ika-2 sunod na taon, nitong Huwebes, Nobyembre 28 sa Laus Group Event Centre sa lunsod na ito.
Pinarangalan ang nasabing lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Atty. Christian D. Natividad nang pinakamataas na pagkilala sa isinagawang 24th Gawad Kalasag Joint National and Regional Awarding Ceremony, na inorganisa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense (OCD).
Ipinagkakaloob ang prestihiyosong parangal para kilalanin ang mga natatanging kontribusyon ng mga lokal na pamahalaan, organisasyon, at mga stakeholder sa buong Central Luzon para sa pagpapalakas nang katatagan sa kalamidad.
Sa kanyang pambungad na pananalita, buong pagmamalaking inihayag ni Regional Director Amador Corpus ng OCD Region 3 na 29 LGUs ang nakakuha ng “Beyond Compliant” ratings at 87 LGUs naman ang kinilala bilang “Fully Compliant”.
“A true testament to the collective efforts of LGUs and disaster resilience advocates across the region,” dagdag pa ni Corpus.
Kabilang ang Malolos sa anim na lunsod sa buong Gitnang Luzon na pumasa sa pamantayan at nakatanggap ng prestihiyosong parangal, kasama ang apat na probinsiya at 19 na bayan sa Region 3.
Pinasalamatan naman ni Mayor Natividad sina City DRRMO Head Kathrina Pia Pedro at City Administrator Joel Eugenio para sa kanilang pagiging smart at innovative sa pamumuno at paggabay sa CDRRM Council. Pinasalamatan din ni Mayor Natividad sina Vice Mayor Migs Tengco Bautista at ang kasapi ng Sangguniang Panlunsod dahil sa kanilang pagsuporta at pagtulong para makamtan ang pinagsumikapang karangalan. –