LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagresulta ng maaliwalas na Bulacan Provincial Jail o BPJ ang maayos na pamamalakad ni Ret.PCol. Marcos C. Rivero, Provincial Jail Warden ng panlalawigang piitan.
Ito ang naobserbahan at napatunayan ng Ilang mamamahayag nang magkaroon ng pagkakataong malibot ang loob ng provincial jail nitong martes, Hunyo 21 kasama si Warden Rivero.
Naging Covid-19-free muli sa kasalukuyan ang BPJ makaraang wala ng detinado o persons deprived of liberty ang apektado ng virus at nakatanggap na silang lahat ng dalawang dosis ng bakuna at booster.
Ayon kay Warden Rivero, nabakunahan na ng dalawang dosis at booster laban sa Covid-19 ang 1442 na lalaking detinado at 189 na babaeng detinado sa kabuoang
1,631 na mga PDL sa loob ng panlalawigang piitan.
“Sinigurado ko at inasikaso na mabakunahan ang lahat ng mga inmates dito sa panlalawigang piitan para maiwasan ang hawa-hawa tulad ng nangyari noong wala pang bakunang available laban sa Covid-19,” anang warden.
Idinagdag din ni Rivero na ang pagbawas ng bilang ng mga detinado sa loob ng naturang piitan ang isa sa mga dahilan kung bakit nawala ang nasabing virus.
“Dati, umabot sa mahigit 3,000 ang bilang ng mga inmate dito pero ngayon ay naging 1,631 na lang, kaya mas naging maluwag ang kulungan para sa mga detinado,” ani Rivero.
Bukod sa Covid-19-free sa provincial jail, ibinida din ni Warden Rivero na napanatili niyang hindi makapasok ang lahat ng klase ng bisyo sa loob ng kulungan.
“Sa ngayon ay bawal pa ang dalaw ng mga kaanak ng mga detinado pero dahil sa pagbaba ng bilang ng may Covid-19 sa lalawigan, pinag-aaralan na rin na magkaroon ng dalaw dahil matagal-tagal na ring ibinawal ito mula nang makaranas ng pandemya ang bansa,” ani Warden Rivero.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang provincial warden na banggitin at ibida ang mga proyekto na kanyang ipinapatupad sa kasalukuyan sa loob ng naturang panlalawigang piitan.
Malapit na aniyang matapos ang itinatayong fitness gym sa loob ng provincial jail at makukumpleto na ito ngayong buwan ng Hunyo.
“Maaari itong gamitin ng ating mga jail guards pati na rin ng ilang inmates para sa pagkondisyon ng kanilang kalusugan,” saad ni Rivero.
Idinagdag din ng warden na dalawa na ang clinic sa loob ng provincial jail at may nurse sa katauhan ni Joey Cruz na laging nakaantabay sa mga inmate na nakararamdam nang hindi maganda.
Dagdag pa dito ang pagkakaroon ng convenience store sa loob ng nasabing piitan at kuwarto para sa mga inmate na gustong kausapin ang kanilang mga abogado.
Samantala, ayon naman kay Antonino Timoteo, mayor ng provincial jail, mayroon nang karagdagang kita ang mga preso habang nasa loob ng kulungan at tinatapos ang kanilang mga sentensiya dahil sa pagtatayo ng pagawaan ng handicraft sa loob ng piitan mula sa inisyatibo ni Warden Rivero.
“Meron kaming handicraft making dito sa loob ng piitan kung saan merong 128 detinado ang nagtatrabaho dito simula alas-8 hanggang alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Sabado at binabayaran sila dito. Bale pang-eksport ang mga ginagawa dito,” ani Timoteo.
Kasama ang manunulat ng Pahayagang Mabuhay sa ilang mamamahayag na lumibot sa buong pasilidad at namangha dahil sa kaayusan at kalinisang natunghayan, na resulta nang maayos na pamamalakad at pagseserbisyo ni Provincial Jail Warden Marcos Rivero.