LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa kanyang mga kapwa Bulakenyo na ipagpatuloy ang pamana ng Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagsuporta sa isang linggong mga aktibidad na inilaan para ipagbunyi ang mayamang kultura at kalinangan ng Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na Grand Opening nitong Huwebes, Setyembre 8 sa harap ng gusali ng Bahay Pamahalaang Panlalawigan sa lunsod na ito.
“Kapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito na nananaig sa gitna ng anumang hamon at nagpapatuloy sa bawat yugto ng kasaysayan ng ating lalawigan,” anang gobernador.
Ayon sa People’s Governor, ipinagmamalaki ang Bulacan bilang lalawigan na may pinakamaraming pambansang alagad ng sining sa halos lahat ng kategorya.
“Ito ang ating lahi. Ito ang ating pamana. Tandaan po natin na ang Bulacan ay dakilang lalawigan na karapat-dapat sa ating matapat na pagmamahal,” ani Fernando.
Ibinahagi rin niya na kanyang ilulunsad ang Dulaang Filipino, isa sa kanyang mga prayoridad na proyekto bilang isang aktor sa telebisyon at teatro, na naglalayong tumuklas ng mga bagong artista at aktor.
“Hangad ko po na manatiling buhay ang tunay na diwa ng Singkaban, ang kalinangan at kabutihan ng isang tunay na Bulakenyo,” aniya.
Samantala, para sa kanyang bahagi, saludo sa mga Bulakenyo ang Kalihim ng Department of Tourism o DOT Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na kinatawan ni Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao dahil sa kanilang katatagan sa kabila ng mga hamon na dala ng pandemya.
“Sa lahat ng pinagdaanan natin, lalo na dahil sa pandemya, nakakataba ng puso makita kayong mga Bulakenyo na nagkakaisa para ipagpatuloy ang mayamang tradisyon ng Bulacan,” ani Jumapao.
Siniguro rin niya sa mga Bulakenyo na kaisa nito ang kagawaran ng turismo sa pagpapalago ng katangi-tanging natatagong destinasyon sa lalawigan.
“Isa sa mga prayoridad ng DOT, ang pantay-pantay na pagpapaunlad ng destinasyon, higit lalo doon sa mga natatagong yaman at tanawin. Makakaasa kayo na hindi makakalimutan ng DOT ang Bulacan lalo na at isa ito sa mga kaakit-akit na lugar na may natatanging potensyal sa daigdig ng ekonomiya,” dagdag ni Jumapao.
Matapos ang programa, ginanap ang Parada ng Karaso kung saan 11 karosa ang nakiisa mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at mga bayan ng Bocaue, Bulakan, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Santa Maria at San Rafael.
Nakaangkla sa temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay” ang Singkaban Festival sa taong ito.