Hawak ni Mayor Atty. Christian D. Natividad ng lunsod ng Malolos ang plake ng pagkilala na iginawad sa Pamahalaang Lunsod ng Malolos na pumasa sa pamantayan ng 2023 Seal of Child-Friendly Local Governance Audit, sa isinagawang Regional Awarding Ceremony nitong Martes, Pebrero 18 sa lunsod ng San Fernando, Pampanga – Malolos CIO

LUNSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Pinarangalan ang Pamahalaang Lunsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Atty. Christian D. Natividad kasama ang pinuno ng City Social Welfare and Development Office na si  Lolita SP. Santos, RSW sa ginanap na  Regional Awarding Ceremony nitong Martes, Pebrero 18 sa lunsod na ito, para sa mga pumasa sa 2023 Seal of Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) at Conferee.

Iginawad ng Regional Sub-Committee for the Welfare of Children-III (RSCWC) ang parangal sa 99 na lokal na pamahalaan (LGUs) mula sa 137 or 72% sa rehiyon ng Gitnang Luzon bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa paglikha at pagpapatupad ng mga programa na nagtataguyod ng ligtas at angkop na kapaligiran para sa mga bata.

Kabilang sa mga naggawad ng plake ng pagkilala ang Council for the Welfare of Children (CWC), mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at National Nutrition Council (NNC).

Kung matatandaan, binuo at inilunsad ng DILG at CWC ang Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) noong 2014 bilang  tugon sa mga rekomendasyon ng pag-aaral noong 2012 na pinamagatang “Towards More Effective Local Councils for the Protection of Children (LCPCs) in Child Rights Responsive Governance in the Philippines”. 

Ito ay isang results-based assessment tool na taunang isinasagawa upang sukatin ang antas ng pagganap ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa at hakbang para mapabuti ang kalagayan ng mga bata.

Sa pambungad na pananalita ni  Dir. Anthony C. Nuyda, CESO III, Regional Director, DILG III, ipinahayag niya ang pagbati sa lahat ng mga LGU na pinarangalan sa kanilang dedikasyon sa pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan at sa pagpapatupad ng mga programang makakatulong sa kanila. Binigyang-diin niya ang patuloy na pagsusumikap ng mga LGU upang higit pang mapabuti ang kalagayan ng mga kabataan.

Ibinahagi naman ni Dir. Maribel M. Blanco, Assistant Regional Director, DSWD FO III Vice-Chairperson, RSCWC III, ang pahayag na, “𝑇ℎ𝑒𝑟𝑒 𝑐𝑎𝑛 𝑏𝑒 𝑛𝑜 𝑘𝑒𝑒𝑛𝑒𝑟 𝑟𝑒𝑣𝑒𝑙𝑎𝑡𝑖𝑜𝑛 𝑜𝑓 𝑎 𝑠𝑜𝑐𝑖𝑒𝑡𝑦’𝑠 𝑠𝑜𝑢𝑙 𝑡ℎ𝑎𝑛 𝑡ℎ𝑒 𝑤𝑎𝑦 𝑖𝑛 𝑤ℎ𝑖𝑐ℎ 𝑖𝑡 𝑡𝑟𝑒𝑎𝑡𝑠 𝑖𝑡𝑠 𝑐ℎ𝑖𝑙𝑑𝑟𝑒𝑛.” Sa pamamagitan ng Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA), tiniyak niya ang pagpaprayoridad sa kapakanan ng mga bata sa pamamagitan ng inobasyon at pagtatalaga sa responsibilidad na bumuo ng isang ligtas at mapagkalingang kapaligiran para sa kanila. “𝑇ℎ𝑒𝑟𝑒 𝑖𝑠 𝑛𝑜 𝑐ℎ𝑖𝑙𝑑𝑟𝑒𝑛 𝑙𝑒𝑓𝑡 𝑏𝑒ℎ𝑖𝑛𝑑,” ani Dir. Blanco.   Dumalo at nagbigay din ng suporta ang mga opisyal ng DILG sa rehiyon, mga kasapi ng RSCWC, at iba pang mga organisasyon at opisyal na nagkakaisa sa layuning pangalagaan ang kapakanan ng bawat bata sa Gitnang Luzon.