
Mayor Angeles, pinangunahan ang lighting ceremony ng Tarlac City Christmas Wonderland Plaza
Ni Harold T. Raymundo
LUNSOD NG TARLAC – Pinangunahan ni Mayor Maria Cristina “Cristy” C. Angeles kasama ang opisyal at kawani ng Pamahalaang Lunsod ng Tarlac, ang lighting ceremony ng Tarlac City Christmas Wonderland Plaza nitong Huwebes, Nobyembre 9 sa lunsod na ito.
Kabilang sa mga pinailawan ang higanteng Christmas Tree na may taas na 30 piye, mailaw na Dancing Fountain, at iba’t-ibang matingkad at nagkikislapang mga ilaw sa paligid ng Wonderland Plaza, na muling binuksan sa publiko.
Dinagsa ng mga Tarlakenyo ang nasabing plaza na minsan nang naitampok sa pogramang 24 oras ng GMA Channel 7, na patok na magiging Chirstmas pasyalan ng mga bata at maging ng mga nakatatanda.

Bago nito, isang flash mob at tiktok ang isinayaw nila Mayor Angeles katabi ang kabiyak at anak, at kasabay ng mga dumalo sa nasabing ganap, sa saliw nang pamaskong musika.
Sa kanyang mensahe bago simulan ang seremonya nang pailaw, sinabi ni Mayor Angeles na resulta ang lahat nang tinatamong progreso ng lunsod ang pagkakaisang ipinapakita nang mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan.
Hindi magkamayaw ang mga Tarlakenyo sa maningning na liwanag na nasasaksihan hanggang sa isinagawang Grand Fireworks Display na tumagal nang mahigit sa 15 minuto.

Sa pagtatapos nang seremonya, buong pagmamalaking ipinakita ni Mayor Angeles sa mga hurado ang official entry ng Pamahalaang Lunsod sa Belenismo sa Tarlac 2023, na hatid ang kwento ng Pasko at sumisimbolo sa walang hanggang pagmamahal ng Poong Maykapal.
Tulad din ani Mayor Angeles sa kwento ng Belen o ang pagkapanganak ni Jesus sa sabsaban, ang Belen ng Lunsod ng Tarlac ay magiging simbolo ng patuloy na pagsisikap at pag-asa tungo sa mas maliwanag na kinabukusan para sa bawat Tarlakenyo.
Inanyayahan din ng alkalde ang mga kababayan na damhin ang panahon ng Kapaskuhan at mamamasyal sa Christmas Wonderland Plaza, na bukas sa publiko mula Martes hanggang Linggo sa ganap na alas 5 ng umaga hanggang aas 10 ng gabi.
Kasamang nakiisa sa lighting ceremony ng Wonderland Plaza sina Vice Mayor Genaro Mendoza, Konsehal KT Angeles, ABC President Tonton Torres at ang mga miyembro ng Sangguniang Panlunsod, at mga opisyal at kawani ng LGU Tarlac City.