Katuwang ni Meycauayan City Mayor Atty. Henry R. Villarica (gitna) sa pamamahagi ng P20k Emergecy Shelter Assistance sina Vice Mayor Jojie Violago at Kapitan Bryan San Pedro (Ika-2 hanay, kanan) ng Barangay Zamora, kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Panlunsod sa pangunguna ni Konsehal Kat Hernandez at mga kawani ng City Social Welfare Development Office. – Harold T. Raymundo

LUNSOD NG MEYCAUAYAN, Bulacan – Namahagi ng P20,000 bawat isa si Mayor Atty. Henry R. Villarica nitong Martes, Enero 28 sa 10 pamilyang nasunugang residente ng Barangay Zamora ng lunsod na ito.

Programa ng Pamahalaang Panlunsod ng Meycauayan ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa ilalim ng programang Emergency Shelter Assistance o ESA at inaasahang makatutulong sa pagbili ng mga naapektuhang pamilya ng  construction materials para sa pagpapatayo muli ng kanilang munting tahanan.

Katuwang ni Mayor Villarica sa pamamahagi ng tulong sina Vice Mayor Jojie Violago at Kapitan Bryan San Pedro ng nasabing barangay, kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Panlunsod sa pangunguna ni Konsehal Kat Hernandez.

Pinangasiwaan naman ng City Social Welfare Development Office ang maayos na koordinasyon at pamamahagi ng Emergency Shelter Assistance sa mga Meycauenong benepisyaryo. Matatandaang nauna nang naghandog si Mayor Villarica ng  isang sako ng bigas, mosquito net, sleeping kit, at mga inuming tubig sa bawat pamilyang nasunugan sa Brgy. Zamora noong Enero 19.