BAYAN NG BOCAUE, Bulacan – Magkatuwang na ininspeksyon ni Mayor Jonjon Villanueva at ni Guiguinto Mayor Agay Cruz ang isang water pumping station nitong Sabado, Setyembre 3 sa Barangay Lolomboy ng bayan na ito.
Layunin nang pagiinspeksyon na siguraduhing gumagana ito nang maayos lalo na kapag malakas ang ulan o may bagyo, dahil isa sa prayoridad na programa ni Mayor Villanueva ang pagkontrol sa baha.
Gusto namang makita ni Mayor Cruz ang pagkakagawa nang nasabing pumping station para makapaglagay din sila sa Bayan ng Guiguinto, na nakakaranas din nang pagbaha.
Kabilang ang pumping station sa mga flood control project noon ni Mayor Joni Villanueva-Tugna, yumaong kapatid ni Mayor Jonjon, na naipagawa dahil sa tulong na rin ng isa pa nilang kapatid na si Senador Joel Villanueva.
Sinabi ni Mayor Villanueva na malaki ang naitutulong ng proyektong ito para maibsan ang pagbaha sa kanilang bayan.
Kasama din nila Mayor Villanueva at Mayor Cruz sa pag-iinspeksyon sina Congressman Boy Cruz ng Ika-5 Distrito ng Bulacan, District Engineer Henry Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, Vice Mayor Sherwin Tugna at mga konsehal ng bayan Alvin Cotaco, Jerome Reyes at Aries Nieto.
Nais namang makatulong ni Congressman Cruz sa pagkontrol pang lalo nang pagbaha sa Bocaue na kabilang sa 4 na bayan na kanyang kinakatawan sa Mababang Kapulungan.
Ininspeksyon din nila Mayor Villanueva at Cong. Cruz ang isang lugar sa Kakulisan, Brgy. Bambang na wala pang dike.