LUNSOD NG MAYNILA – Kinumpirma ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na matatanggap na ng mga empleyado ng Department of Education (DepEd), kasama ang mga guro ng mga public school, ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB) para sa Fiscal Year 2023.
“Masaya po akong ibalita para sa ating mga kasamahan sa DepEd, lalo na sa ating mga guro, na matapos ang masusing deliberasyon, sila po ay napatunayang eligible para matanggap ang kanilang Performance-Based Bonus para sa taong 2023. Ito po ay alinsunod sa mandato ng ating Pangulong Bongbong Marcos na kilalain ang kanilang ambag, sipag, at dedikasyon upang itaguyod ang pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa ating bansa,” pahayag ni Sec. Pangandaman.
“Kung wala sila [ating mga guro], wala rin tayo, kaya dapat lang po na patuloy natin silang bigyan ng motivation at nararapat na benepisyo,” dagdag pa ng Kalihim.
Sa plenary deliberations ng House Bill No. 4058 o ang General Appropriations Bill (GAB), kinumpirma ng DBM, sa pamamagitan ni House Committee on Appropriations Chair Mikaela Angela Suansing, na ang Technical Working Group para sa Executive Order No. 61 ay nakatakdang magpulong sa susunod na linggo, pansamantalang nakatakda sa 30 September 2025, para pormal na mag-isyu ng resolusyon na nagdedeklarang karapat-dapat ang DepEd para makatanggap ng 2023 PBB.
“They will have a Technical Working Group meeting on September 30, during which, they will finalize this and they will come up with a resolution formalizing that fact – that the teachers are indeed eligible for the Performance-Based Bonus,” inanunsyo ni House Committee on Appropriations Chair Mika Suansing.
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 2023-1 na para maging karapat-dapat na makatanggap ng FY 2023 PBB, kailangang sumunod ang mga ahensya sa mga criteria at kondisyon sa ilalim ng apat na sukatan ng accountability: Performance Results, Process Results, Financial Results, at Citizen/Client Satisfaction Results at makakuha ng kabuuang score na ‘di bababa sa 70 points.
###