Caption: Sina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro kasama ang mga Gintong Kabataan Awardee na sina (pangalawang hanay) Igg. Patrick S. Dela Cruz (SK Federation President Category), Vice Mayor Miguel Alberto T. Bautista (Entreprenyur), Jessa Agustin, maybahay ni Troy Justin P. Agustin (Bayani-Posthumous) at Miel Arthem Agustin (SK Barangay Council)- Longos, Lunsod ng Malolos; (pangatlong hanay) (Manggagawa Category): Zaldy N. Burce, Jr. (Propesyonal), Marco Rhonel M. Eusebio (Government Worker) at Jayson Jerald V. Rivera (Skilled Worker) at Samahan ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKA PO) Inc. sa pangunguna ni Jaymark Chico (Paglilingkod sa Pamayanan-Grupo), (ikaapat na hanay) Jhenica V. Llarina (Kagalingang Pang- Akademya at Agham para sa Secondary Level), John Kenneth L. Pagdanganan (Paglilingkod Pamayanan-Indibidwal), Ryan R.Corpuz (Kagalingang Pang- Akademya at Agham para sa College Level) at Paulo John M. Rubio (Sining at Kultura), sa ginanap na Gintong Kabataan Awards 2022 nitong Huwebes, Nobyembre 3 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center, Lunsod ng Malolos, Bulacan. Nasa larawan din sina (mula kaliwa) mga Bokal Cezar Mendoza, Romina Fermin, Raul Mariano at Renato De Guzman, Jr. at ang mga tumanggap ng GK Special Citation (likod na hanay). – PPAO

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Pinarangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng
Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador
Alex Castro, ang mga natatanging kabataang Bulakenyo sa ginanap na Gintong
Kabataan Awards 2022 nitong Huwebes Nobyembre 3 sa The Pavilion, Hiyas ng
Bulacan Convention Center sa lunsod na ito.

Ang prestihisyosong parangal ay programa ng pamahalaang panlalawigan na
pinangangasiwaan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service
Office o PYSPESO sa pamumuno ni Atty. Kenneth Ocampo-Lantin, katuwang ang
Gintong Kabataan ng Bulacan Alumni Association, at tatlong dekada nang
nagbibigay-pagkilala sa kagalingan at mga katangi-tanging naiambag ng mga
Bulakenyong kabataan sa iba’t-ibang larangan.

“Mula noon hanggang ngayon, ang pagiging Gintong Kabataan ng Bulacan ay
nagging sagisag na ng dangal ng mga bagong henerasyon ng Bulakenyong
itaguyod ang larangang kanilang kinabibilangan, habang patuloy na namumuhay
bilang mapanagutang mamamayan ng ating bayan. Narito ‘t kasama tayo ng mga
marangal na kabataang gumagamit ng kanilang talento, katatagan, imahinasyon
at may pagpapasya sa sarili upang umukit ng pangmatagalan na pagbabago sa
ating nasyon at maging haligi ng inspirasyon sa kanilang napiling larangan ng
pagpupunyagi.”
Ito ang naging mensahe ni Gobernador Fernando sa mga nakapasok sa
pamantayan ng lokal na pamahalaan at napiling Gintong Kabataan Awardee
ngayong taong 2022.
Pinuri din ng gobernador ang mga pinarangalan at pinangakuang kanyang
tutumbasan ang kanilang mahalagang naiambag sa pamamagitan ng episyenteng
serbisyo sa mga Bulakenyo.
“Tunay kayong dangal ng magiting na liping Bulakenyo! At bilang ama ng
lalawigan, sisikapin kong suklian ang inyong mga ginintuang ambag sa ating
lalawigan sa pamamagitan ng patuloy na pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan
ng bawat Bulakenyo,” ani Fernando.
Siniguro naman ni Gob. Fernando na ang kanilang tagumpay ay magbubukas ng
marami pang oportunidad para sa mga kabataan, kung kaya’t mabibigyang-daan
na lalo pang mahasa ang kapasidad, kakayahan, at kasanayan upang umani ng
mas marami pang tagumpay na magtatanyag sa lipunan na kanilang
kinabibilangan.

Hinikayat din sila ng gobernador na patuloy na magmasid at makialam sa
kasalukuyang estado ng lipunan at makiisa sa layunin tungo sa ganap na
pagbabago sa komunidad.
“Buhayin ninyo ang nag-aalab na pusong makabayang minana pa ninyo sa ating
mga bayani. Sikaping maging bahagi din ng inyong tinatamasang tagumpay ang
ating mga maralitang kababayan. Bigyan ninyo ng tinig ang ating mga kapwa
Bulakenyo na nabubusalan ang bibig ng takot at diskriminasyon. Maging buhay
nawa kayong patunay na ang kabataang Bulakenyo ay hindi kailanman sumusuko
sa anumang hamon ng panahon at patuloy na nagpupunyagi gamit ang angking
kakayahan at maigting na pananalig sa Diyos bilang sandata,” ani Fernando.
Kabilang sa 2022 Gintong Kabataan Awardee sina Paulo John M. Rubio ng Bayan
ng San Miguel para sa Larangan ng Sining at Kultura; Jhenica V. Llarina ng Plaridel
at Ryan R. Corpuz mula sa Lunsod ng Malolos para sa Larangan ng Kagalingang
Pang-Akademya at Agham para sa Secondary at College level ayon sa
pagkakasunod; John Kenneth L. Pagdanganan ng Calumpit para sa Larangan ng
Paglilingkod Pamayanan-Indibidwal at mula sa Lunsod ng Malolos, ang Samahan
ng Makabagong Kabataang Progresibo (SAMAKA PO) Inc. sa pangunguna ni
Jaymark Chico para sa Paglilingkod sa Pamayanan-Grupo; Zaldy N. Burce, Jr. ng
Guiguinto (Propesyonal), Jayson Jerald V. Rivera ng Balagtas (Skilled Worker) at
Marco Rhonel M. Eusebio ng Lunsod ng Malolos (Government Worker) para sa
Gintong Kabataang Manggagawa; Rogen S. Ladon mula sa Marilao para sa
Larangan ng Isports (Indibidwal); Igg. Patrick S. Dela Cruz ng Lunsod ng Malolos
para sa Natatanging SK Federation President at Barangay Longos ng Lunsod ng
Malolos para sa Natatanging SK Barangay Council; Vice Mayor Miguel Alberto T.
Bautista ng Lunsod ng Malolos para sa Larangan ng Entreprenyur at Troy Justin P.
Agustin ng Plaridel para sa Gintong Kabataang Bayani (Posthumous).
Gayundin, sampung indibidwal ang tumanggap ng 2022 Gintong Kabataan Special
Citation kabilang sina Mateo Inigo S. Espocia at Mark Anthony A. Francisco mula
sa Lunsod ng San Jose del Monte, Lei Andrei M. Navarro mula sa Lunsod ng
Malolos, Diane A. David at Jhasmine C. Busran ng Marilao, JCI Baliwag Buntal at
Analyn N. Cundangan ng Baliwag, Andrea Lindsay B. Duran ng San Ildefonso,
Konsehal Marbin DJ. Garcia ng Bulakan at Kayla Melyn V. Arellano mula sa
Guiguinto.

Dumalo rin para saksihan ang nasabing parangal sina Bokal Cezar “Teta”
Mendoza, Bokal Mina Fermin, Bokal Raul “Aye” Mariano at Bokal Renato “Jay” De
Guzman, Jr.