LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Muling bibigyang pagkilala ang mga natatanging taal na Bulakenyo sa pagdaraos ng taunang parangal na Gawad Dangal ng Lipi (DNL) ngayong araw, Setyembre 15 sa ganap na ika-5:00 ng hapon sa One Grand Pavilion Events Place, Blas Ople Diversion Road, Brgy. Bulihan sa lunsod na ito.

Kabilang sa mga kategoryang bibigyang parangal ang paglilingkod sa bayan, propesyunal, paglilingkod pampamayanan, entreprenor, edukasyon, agham at teknolohiya, sining at kultura, pangangalakal at industriya, kalusugan, agrikultura, isports at Bulakenyo Expatriate.

Samantala, ipagkakaloob naman ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Tanging Bulakenyo na siyang pinakamataas na parangal sa isang Bulakenyo na nangibabaw sa alinmang kategoryang nauna ng nabanggit at may pinakamahusay at katangi-tanging kontribusyon sa lipunan.

“Sa kabila ng naranasan nating pandemya nitong nakaraang mga taon hanggang sa kasalukuyan, hindi ito naging balakid upang huminto ang ating Pamahalaang Panlalawigan sa pagtuklas ng mga panibagong mahuhusay at natatanging Bulakenyo na may mahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng kanilang komunidad at maging ng bansa,” ani Fernando.

Nauna nang pinarangalan ng prestihiyosong pagkilala sina Kalihim ng Kagawaran ng Katarungan Abgd. Menardo I. Guevarra, Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas Hen. Carlito G. Galvez, Hukom Maria Theresa V. Mendoza-Arcega, Aurora F. Sumulong, Senador Blas Ople, dating Pangulong Corazon Aquino, Regine Velasquez, Dolphy, Joey De Leon, Arnold Clavio at marami pang iba.

Ang Gawad DNL ay bahagi ng pangwakas na gawain ng Singkaban Festival 2022 na may temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay.”– PPAO

###