
PBBM pinangunahan ang programa
BAYAN NG SAN MIGUEL, Bulacan – Isinagawa sa dalawang paaralan sa Bulacan ang kick-off ng Nationwide Brigada Eskwela 2025 nitong Lunes, Hunyo 9, na magkasunod na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
May temang “Brigada Eskwela: Sama-sama Para sa Bayang Bumabasa,” ang nasabing programa ng DepEd na naglalayong pag-isahin ang komunidad para ihanda ang mga pampublikong paaralan sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 para sa School Year 2025-2026.
Kabilang sa napiling bisitahin ni Pangulong Marcos Jr. kasama sina Kalihim Sonny Angara ng Department of Education o DepEd, Kalihim Henry Aguda ng Department of Information and Communications Technology, at Kalihim Jay Ruiz ng Presidential Communications Office, ang Barihan Elementary School sa lunsod ng Malolos at Tibagan Elementary School sa bayan ng San Miguel.
Sa Barihan Elementary School, tinignan nila Pang. Marcos kasama ang mga nasabing opisyal, ang mga plano para sa pagpapagawa ng paaralan na madalas bahain at kinausap sina Gobernador Daniel R. Fernando, Congressman Danny A. Domingo ng Unang Distrito, Mayor Christian D. Natividad, District Engineer Henry C. Alcantara ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, at mga guro tungkol sa recovery timeline at mga structural improvement nito.

Dito tumulong maginstall ng bagong blackboard sa isang silid-aralan ang ilang magulang na volunteers na nakiisa sa progama ng DepEd, simbolo ng panibagong commitment para sa matibay at dekalidad na edukasyon.
Pagdating naman sa Tibagan Elementary School, inobserbahan nila Pang. Marcos at sinaksihan ang pagkakabit ng bagong Smart TV. Inispeksyon din ang bagong activate na Starlink connectivity, na isang bahagi nang pagsisikap ng DepEd para lutasin ang digital divide ng mga mag-aaral, guro at maging ng eskwelahan.
Kinamusta rin ni Pangulong Marcos Jr. ang 200 na mga bagong pasok na guro na natanggap na at pawang magsisimula nang magturo sa parating na pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan. Bahagi sila ng nasa 20,000 teaching plantilla na naaprubahan na ng Department of Budget and Management ngayong taon. Layunin nito na matiyak ang nararapat na pupil-to-teacher ratio.
Dito binigyang diin ng pangulo na dapat maging mga ‘Smart’ Schools ang mga pampublikong paaralan na may mga guro na pawang digital empowered. Tinignan din ng pangulo ang mga silid-aralan na unti-unti nang kinakain ng anay na mangangailangan nang agarang pagkukumpuni at gayundin nang pagtatayo ng mga bago at karagdagang mga pasilidad.
Bingyang diin naman ni Angara na naka-focus ang kagawaran sa literacy, data-informed panning, at community health Brigada Eskwela ngayong taon.
“Every repaired classroom is a promise to our children that learning will not await. Every volunteer’s hand is a testament that the future of education rests not just in programs, but in people,” anang kalihim.
“Kung may bayang bumabasa, may bansang puno ng pag-asa. When a child reads with confidence, a nation rises with dignity,” dagdag pa ni Kalihim Angara. Committed ang DepEd na siguraduhing malinis, ligtas, at ready ang mga silid-aralan para sa mga bata kaya naman libu-libong paaralan sa lahat ng rehiyon ang sumabay sa Brigada Eskwela ngayong taon, kasama ang suporta ng mga ahensya tulad ng DPWH, DICT, at MMDA sa infrastructure repair, digital tools, at kalinisan.