LUNSOD NG MANDALUYONG – Nagkaloob ng tulong na tig-2 milyong piso ang
business tycoon na si G. Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation sa mga pamilya
ng limang Bulakenyong bayaning nasawi habang nagsasagawa ng rescue
operation sa kasagsagan ng Bagyong Karding noong nakaraang buwan sa ginanap
na pulong nitong Lunes Oktubre 17 sa SMC Head Office sa Mandaluyong.
Personal na ibinigay ni Ang ang mga tseke sa mga pamilya nina Troy Agustin,
George Agustin, Marby Bartolome, Jerson Resurreccion, at Narciso Calayag, Jr.
gayundin ang start-up package sa bawat pamilya. Ani RSA, agaran siyang
nagpaabot ng pagnanais na tumulong sa mga pamilya nang malaman niya ang
trahedyang sinapit ng limang tagapagligtas na kawani ng Provincial Disaster Risk
Reduction and Management Office.
Gayundin, binanggit ni Ang ang pagsisikap nina Gobernador Daniel R. Fernando at
Congresswoman Lorna Silverio ng Ikatlong Distrito, na makipag-usap sa SMC
upang humiling ng suportang pinansyal at pangkabuhayan para maibsan ang bigat
na dalahin ng pamilya bunga ng ‘di-inaasahang pagpanaw ng kanilang mga mahal
sa buhay.
Sa ilalim ng Community Reselling Program ng SMC, makatatanggap ang bawat
pamilya ng limang tagapagligtas ng freezer at inisyal na imbentaryo ng iba’t ibang
frozen na karne at produkto ng Purefoods.
Hinikayat din niya ang mga maybahay ng mga namayapang rescuer na gamitin ng
mahusay ang kanilang salapi at i-monitor ang kanilang paggasta sapagkat saglit
lang maubos kapag hawak ang pera.
Samantala, umiiyak na nagpasalamat si Mitchelle Resurreccion, maybahay ni
Jerson, kay RSA para sa tulong at mabubuting tinuran nito para sa limang
bayaning tagapagligtas.
“Maraming salamat po, G. Ramon Ang. Higit pa po sa maaari naming asahan ang
ipinagkaloob ninyo sa amin. Tunay pong napakalaki ng inyong puso,” aniya.