LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Pinangunahan nina Mayor Atty. Christian D. Natividad at Kingdom of the Netherlands Ambassador to the Philippines Marielle Geraedts ang paglulunsad ng North Manila Bay Nature-based Flood Mitigation Solutions kamakailan sa Bahay Pamahalaan ng Lunsod ng Malolos.
Ipatutupad ng lokal na pamahalaan ang nasabing solusyon sa paligid ng isla ng Pamarawan na sakop ng lunsod na nasa gawing Manila Bay.
Layunin ng proyekto na mabawasan hanggang tuluyang mawala ang matagal nang problema nang lubos na paglubog sa tubig ng isla ng Pamarawan.
Sa kanyang mensahe habang inilulunsad ang proyekto, sinabi ni Mayor Natividad na magiging proteksyon din ang ito upang mapangalagaan ang isla sa mga daluyong tuwing may Habagat at malakas na bagyo.
“Naisakatuparan ito bilang pilot project ng Alyansa ng mga Baybaying Bayan ng Bulacan at Pampanga na nagbigkis upang tugunan matagal nang problema sa pagbabaha sa pamamagitan ng agaran at pangmatagalang solusyon,” dagdag pa ng alkalde.
Ayon naman kay Ambassador Geraedts, ang pagsuportang ito ng Kingdom of the Netherlands ay patunay ng malakas na pagtutulungan at alyansa ng diplomatikong relasyon nito sa Pilipinas. Gayundin ang matatag na pagtugon nito sa Sustainable Development Goals (SDG) at sa 2015 Paris Climate Agreement ng United Nations.
Sa inisyal na detalye ng proyekto na ilalagak sa bahagi ng Pamarawan na nakaharap sa Manila Bay, ibabalik ang balanseng ekolohikal kung saan muling magtatanim at pakakapalin ang mga bakawan.
Sa susunod na 15 taon, makakaya na nitong pigilin ang pagpasok ng tubig dagat sa isla at makakalikha pa ng sangktuwaryo para sa mga Isda, Hipon, Alimango at Alimasag na dadagdag sa kabuhayan ng mga tagarito.
Habang ginagawa ito, maglalagay ng mga sediment trapping unit na gawa sa kawayan na lalamanan ng mga pinagbalatan ng iba’t ibang aquatic product upang hindi malusaw nang matinding high tide. Poproteksiyunan din ito ng mga enhanced breakwater structure upang hindi maging direkta ang hampas ng alon sa isla.
Pinondohan ng pamahalaan ng Kingdom of the Netherlands ang pagbalangkas at pagkukumpleto ng detailed engineering design ng proyekto habang popondohan naman ng pamahalaang lunsod ang mismong pagpapagawa at target tapusin sa susunod na anim na buwan.