Ang sinimulang 500 linear meters sa Barangay Tawiran na bahagi ng P7 bilyong Obando Bypass Road at katuparan ng mga pangarap ni Mayor Leaonardo “Ding” Valeda para sa mga Obandenyo, katuwang ang Department of Public Works and Highways o DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office sa pamumuno ni District Engineer George DC Santos. – Harold T. Raymundo

BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Sinimulan na sa bayan na ito ang Obando Bypass Road na magmumula sa Barangay Tawiran at magtatapos sa Barangay Panghulo.

May habang 6 na kilometro ang nasabing bypass road na  bumabagtas sa kailugan at palaisdaan sa Obando katapat ng pangunahing daanan ng mga motorista.

P7 bilyon ang halaga ng proyekto at kasalukuyang tapos na ang 500 linear meters nito sa bahagi ng Tawiran.

Katuwang ng Pamahalaang Bayan sa pangunguna ni Mayor Leonardo “Ding” Valeda ang Department of Public Works and Highways o DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office sa pamumuno ni District Engineer George DC. Santos sa pagtatayo nang permanenteng solusyon sa kadalasang pagsisikip ng trapiko sa pangunahing kalsada, na ilang taon nang nagpapabagal sa  progreso ng Obando.

Ayon kay Mayor Valeda, sa halip na isakripisyo ang mga tahanan ng kanyang mga kababayan sa road widening, pinili niya ang alternatibong daan sa kailugan upang masiguro ang pag-unlad ng Obando, na walang maiiwang kabahayan o pamilya.

Matatandaan na may panukalang ipatupad ang road widening sa pangunahing kakalsadahan ng naturang bayan, subalit isinantabi ang proyekto dahil sa dami ng kabahayan na tatamaan at pagtutol nang nakakaraming Obandenyo.

“Ito ang ating panahon. Ito ang katuparan ng ating pangako.  At higit sa lahat, ito ang ating kinabukasan – isang Obando na mas maunlad, mas mabilis, at mas abot-kamay para sa lahat. Patuloy ang pag-abante, patuloy ang pagbuo, at patuloy ang ating pagsusumikap para sa bayan,” pagdidiin ni Mayor Valeda.