BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Hinimok ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang Pamahalaang Bayan ng Obando na makiisa sa Manila Bay Rehabilitation, na programa ng pamahalaang nasyonal.
Bilang bahagi ng nasabing programa, nagsagawa ng Information and Education Campaign o IEC ang mga tauhan ng Environmental Management Bureau o EMB Region III, nitong Biyernes Setyembre 3 sa Brgy. Tawiran.
Nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources ang EMB.
Layunin nang nasabing kampanya na magbigay kaalaman sa tamang waste management sa mga residente ng Tawiran dahil dinadaluyan ang kanilang barangay ng Meycauayan River na mahalagang tributary papuntang Manila Bay.
Naging panauhin si Mayor Leonardo “Ding” Valeda sa idinaos na IEC, Kapitan Leonard Delos Santos ng Brgy. Tawiran at Kapitan Manny San Diego ng Brgy. Paco.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Valeda ang kahalagahan nang wastong waste disposal. Sa katunayan aniya ay mayroon ng Material Recovery Facility o MRF ang Tawiran at hinihintay na lamang
makabitan ng three phase connection ng Meralco.
Hinimok rin ng alkalde ang kanyang mga kabarangay na tumalima sa tamang waste management bilang pakikiisa sa magandang layunin ng DENR sa pagpapatupad ng kalinisan at kaayusan sa kapaligiran.
Naisagawa ang proramang IEC sa pakikipagugnayan at pagtutulungan na rin ng EMB III at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office sa pamumuno ni Cely Aguilar at staff na si Marielle Ramos.