OBANDO, Bulacan—Isinailalim sa State of Calamity ang bayan ng Obando noong Biyernes, Hulyo 18 o dalawang araw matapos manalasa ang bagyong Glenda.

Sa panayam kay Mayor Edwin Santos, ipinaliwanag niya na ang pagdedeklara ng State of Calamity ay isa ring paghahanda sa posibilidad ng pananalasa ng iba pang bagyo tulad ng bagyong Henry.


Ayon kay Santos, umabot sa mahigit 300 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Glenda, bukod pa sa 30 pamilya sa Barangay Salambao na ang mga tahanan ay nawasak.


Batay pa sa laiwanag ng alaklde, mahalaga ang pagsasailalim sa kanilang bayan sa state of calamity upang makapaglabas ng pondo sa relief operations.


Bukod dito, isa ring paraan ang state of calamity of mapigilan nila ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
 Kaugnay nito, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office na umabot sa anim katao ang nasugatan sa pananalasa ng bagyo sa lalawigan, bukod sa isang nasawi.


Sa hanay ng pinsala sa pagsasaka, inulat ng PDRRMO na umabot sa P29,501,510 ang inisyalna halaga ng pinsala.
Kabilang dito ang P151,545 na halaga ng pinsala sa palayan, at P29,349,965.00 na halaga ng pinsala sa pangisdaan.


Hindi pa kasama sa ulat ang pinsala sa gulayan, maisan, manggahan, at maging sa mga ari-arian at imprastraktura. Rommel Ramos, Dino Balabo