Pinuputol nina Obando Mayor Leonardo “Ding” Valeda at Postmaster General at Chief Executive Officer Luis D. Carlo ng Philippine Postal Corporation o PhilPost, ang laso hudyat nang pagbubukas muli ng Obando Bulacan Post Office nitong Lunes, Pebrero 3 sa 1st Floor Tourism Bldg., Plaza Magsaysay, Barangay Pag-asa, Obando, Bulacan. Nasa larawan din at nakiisa sa pagpapasinaya sina Konsehal Rowell Rillera, Kon. Mico Dela Paz, Kon. Crina Palao Ramos, Kon. Vangie Bautista at ilang opisyal ng PhilPost.– JC Sta. Maria/Obando Information Office

Ni Harold T. Raymundo at JC Sta. Maria/Obando Information Office

BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Pinangunahan nina Mayor Leonardo “Ding” Valeda at Postmaster General at Chief Executive Officer Luis D. Carlo ng Philippine Postal Corporation o PhilPost ang pagpapasinaya ng Obando Bulacan Post Office nitong Lunes, Pebrero 3 sa 1st Floor Tourism Bldg., Plaza Magsaysay, Barangay Pag-asa ng bayan na ito.

Walong taon nang natigil ang operasyon ng Obando Post Office at muling nagbabalik at nagbubukas sa bago nitong tahanan sa mismong pasyalan na Obando People’s Park katapat ng makasaysayang Simbahan ng Obando.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Valeda ang kahalagahan ng pagkakaroon pa rin ng Postal Office sa kabila ng modernisasyon.

Aniya, malaking tulong pa rin ang mga serbisyo ng PhilPost para sa pagpapadala ng mga liham mula sa Philippine Statistics Authority o PSA at maging ng mga Credit Card Companies.

“Ang pagbabalik ng PhilPost sa Obando ay isang malaking bagay para matugunan ang ilang mga pangangailangan ng mga Obandenyo,” dagdag pa ni Valeda.

Kasamang nakiisa sa nasabing pasinaya sina, Assistant Postmaster General for Management Support and Services Atty. Lee Viceral, Assistant Postmaster General for Operations Atty. Benjie S. Yotoko, Area Director for Mega Manila Ms. Olivia M. Valderana, at ilang pang kawani ng mga postal areas ng PhilPost.

Dumalo rin para saksihan ang pagbubukas ng bagong post office sina Municipal Administrator Jocelyn Garcia, Konsehal Rowell Rillera, Kon. Philip Dela Cruz, Kon. Crina Palao Ramos, Kon. Dra. Evangeline “Vangie” Bautista, at Kon. Mico Dela Paz. ABC President Kap. Benny Sta. Ana, mga kapitan, at mga pinuno ng bawat tanggapan ng Pamahalaang Bayan ng Obando. Bukas sa publiko ang Obando Post Office mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.