Ligtas na selebrasyon ng Bagong Taon, tiniyak
LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan — Ilang linggo bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pamumuno ni Gobernador Daniel R. Fernando, ay naglabas ng Executive Order No. 40, series of 2024, na sumususog sa implementasyon ng kampanyang “Oplan Ingat Paputok” upang isulong ang kaligtasan ng publiko at mabantayan ang industriya ng paputok sa probinsiya.
Ayon sa nasabing EO, ang “Oplan Ingat Paputok” ay dapat maipatupad ng Pyrotechnics Regulatory Board sa pakikipagtulungan sa mga kaugnay na ahensiya, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police, Department of Trade and Industry, Bureau of Fire Protection, at iba pang mahahalagang stakeholders ng regulasyon sa mga paputok.
Inilunsad din ang 24/7 na pagbabantay sa mga Fireworks Related Injuries (FWRI) at pagtutulungan ng iba’t ibang opisina sa pangunguna ng Public Health Office (PHO) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Nauna nang nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan kasama ang Bulacan Pyrotechnics Regulatory Board at Philippine Fireworks Association ng inspeksiyon sa mga tindahan ng paputok noong Disyembre 18 sa Santiago Compound sa Brgy. Turo, Bocaue Bulacan.
Sa naganap na press conference, hinikayat ni Fernando ang mga Bulakenyo na maging kolektibo sa pag- obserba at paggabay sa isa’t isa habang papalapit ang Bagong Taon.
“Kasama po ng ating Pamahalaang Panlalawigan at mga inisyatiba para sa kaligtasan ng lahat, hiling ko rin po na sana ay tulung-tulong po tayo at agapayan po natin ang ating mga kapwa Bulakenyo at kapwa Pilipino tungo sa isang maganda at ligtas na Bagong Taon,” saad niya.
Kamakailan, nakapagtala ang PHO – Public Health ng anim na kaso ng FWRI mula Disyembre 21 hanggang 26 sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod sa Bulacan.
Batay sa ulat, nakapagtala ang Lungsod ng San Jose Del Monte ng dalawang kaso, habang ang Lunsod ng Malolos at mga bayan ng Bocaue, San Miguel, at Calumpit ay nakapagdokumento ng tig- iisang kaso.
Ipinangako naman ni Fernando sa mga Bulakenyo na ginagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ang lahat sa abot ng kakayahan nito upang masiguro ang isang ligtas at masayang pagdiriwang ng Bagong Taon. “Gagawin po ng ating Pamahalaang Panlalawigan ang lahat sa abot ng ating makakaya upang hindi na madagdagan pa ang mga kasong ito at agarang tutugon sa oras ng pangangailangan ng ating mga Bulakenyo masiguro lang ang isang ligtas at masayang pagsalubong sa Bagong Taon,” ani Fernando.