Ang ginagawang Obando Bypass Road sa gitna ng mga palaisdaan na pinondohan ng P7 bilyon ng Department of Public Works and Highways o DPWH at umaabot na sa 1 kilometro ang haba nang napapatag matapos tambakan.

BAYAN NG OBANDO, Bulacan — Tuluy tuloy ang paggawa sa Obando Bypass Road na babagtas sa kailugan ng bayan mula Barangay Tawiran hanggang Barangay Panghulo.

Sinimulan ang nasabing bypass road kamakailan lamang sa Tawiran na  pinondohan ng Department of Public Works and Highways o DPWH nang halagang pitong bilyong piso.

Ipinapatupad ng DPWH Bulacan 2nd District Engineering Office sa pamumuno ni District Engineer George DC Santos ang pinakamalaking proyekto ng Obando sa kasalukuyan, sa pakikipag-ugnayan na rin sa pamahalaang bayan sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Leonardo “Ding” Valeda.

Ayon kay Mayor Valeda, bukod sa literal  na pisikal na malawak na bagong daanan para sa motorista, magiging daan din ito sa ibayong pag-unlad na kumakaway sa bayan ng Obando at magsisilbing pangmatagalang solusyon sa sumisikip na daloy ng trapiko.

Lilihis ito sa sentro ng kabayanan kung kaya maiwasan na ang sumisikip na trapiko sanhi ng pagdami ng mga sasakyan at mga motoristang bumabagtas papuntang bayan ng Bulacan, Balagtas at Lunsod ng Malolos.

Dahil babaybayin ng bagong daan ang kailugan, ang Barangay Binuangan ay gigiIiran ng ilang daang metro lamang at posibleng magkakaroon ng access sa proyekto.

Malaking ginhawa ang idudulot nito sa mga residente ng nasabing barangay sa pag biyahe lalot mapapalapit ito sa kakalsadahan.

Humigit kumulang na isang kilometro ng kalsada na ang napatag sa ngayon, matapos itong matambakan.

Dahil  babaybay rin sa mga palaisdaan at ilog ang proyekto ay malawakang tambakin ang gagawin at kakailanganin. 

Ipinagdarasal ni Mayor Valeda na sana ay matapos ang higanteng proyekto na ito sa ilalim ng kanyang administrasyon. – Ni Harold T. Raymundo/Ramon Agustin -Obando Information Office