Pangulong Bongbong Marcos, nanguna sa pagpapasinaya
BAYAN NG PULILAN, Bulacan – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kasama sina Metro Pacific Tollways Corporation Chairman Manny V. Pangilinan at Kalihim Manuel M. Bonoan ng Department of Public Works and Highways, ang pagpapasinaya sa North Luzon Expressway o NLEX Candaba 3rd Viaduct nitong Martes, Disyembre 10.
Umabot sa 7.8 bilyong piso ang halaga ng bagong viaduct na may limang kilometrong haba at bagong mag-uugnay sa Pulilan, Bulacan at Apalit, Pampanga, na itinayo sa gitna ng 50 taong gulang na northbound and southbound Candaba Viaduct.
Bago ang maikling programang inihanda sa Noth Polo Club sa Brgy. Tabon, Pulilan, mainit na tinanggap ni Gobenador Daniel R. Fernando ng Bulacan at Gobernador Dennis G. Pineda ng Pampanga si Pangulong Marcos.
Nakiisa rin sa programa si dating Pangulo at Pampanga 2nd District Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, House Speaker Martin Romualdez, Senior Deputy Speaker and Pampanga 3rd District Congressman Dong Gonzales, Bulacan Vice Governor Alex C. Castro, 1st District Congressman Danny A. Domingo, Pulilan Mayor Maritz Montejo, Calumpit Mayor Lem Faustino, Vice Mayor Doc. Zar Candelaria, MPTC President and COO Arrey A. Perez at iba pang opisyal sa Gitnang Luzon.
Napag-alaman na sinimulan ang rehabilitasyon at modernisasyon ng NLEX taong 2002 at natapos ng taong 2005 sa ilalim ng Built-Operate-Transfer, na tinatawag na Public-Private Partnership sa kasalukuyan.
Ayon sa punong ehekutibo, isang patotoo na epektibo ang PPP upang maging mabilis na maisakatuparan ang mga proyektong pang-imprastraktura.
Samantala, tiniyak naman ni Pangilinan na mananatiling buo ang suporta nya sa liderato ni Pangulong Marcos upang makatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya sa bansa.
Ayon naman kay Gobernor Fernando, malaking tulong ang modernisasyon ng NLEX para sa pag-unlad ng mga probinsya sa Norte at Gitnang Luzon.
Sinabi din ni Gobernador Pineda, mas magiging mabilis na ang daloy ng trapiko, at magaap na mailuluwas sa Metro Manila ang mga Kalakal mula sa lalawigan ng Pampanga.
Kasamang sumalubong sa pagdating ni Marcos para magbigay pugay at tumulong na rin sa seguridad ng Pangulo sina LtGen Fernyl Buca, commander ng AFP Northern Luzon Command, PBGen. Redrico Maranan, regional director ng Police Regional Office 3 at PCol. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan Police Provincial Office.