BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Iminungkahi ng Our Lady of Salambao Multi-Purpose Cooperative o OLSMPC kay Mayor Leonardo “Ding” Valeda ang pagbuo muli ng Municipal Cooperative Development Council o MCDC sa bayan na ito.
Ito ang ipinakiusap ng mga opisyales ng nasabing kooperatiba nang magbigay-pugay kay Mayor Valeda nitong Miyerkules, Agosto 3 sa Tanggapan ng Punong Bayan.
Ilang taon na ring panawagan ng Provincial Cooperative and Development Office o PCEDO, ang pagbuo ng MCDC o City CDC sa bawat bayan at lunsod sa buong Lalawigan ng Bulacan.
Pinangunahan nina Board Chairman Antonio Papa at General Manager Mercedita Raymundo, kasama ang ilang director ng OLSMPC ang pagbisita at pagpapaliwanag kay Mayor Valeda.
Layunin nang pagbuo ng MCDC na maisulong ang mas lalo pang pagunlad at paglago ng mga kooperatiba sa Bayan ng Obando.
Ipinaliwanag din ng pamunuan ng OLSMPC kay Mayor Valeda ang kahalagahan nang pagsapi ng mga Obandenyo sa kooperatiba dahil anila malaki ang maitutulong nito sa kanilang pangkabuhayan.
Patuloy anila, ang kanilang panghihikayat sa mga kababayan na maging kasapi ng OLSMPC.
Ang OLSMPC ay isang kooperatiba na nakabase sa Obando na ang karamihan ng kasapi ay mga namumuhunan at pribadong indibidwal ng bayan.
Itinatag noong taong 1999 at may humigit kumulang na 6,000 kasapi sa kasalukuyan.
Ang Sta. Cruz Savings Credit and Cooperative ang isa pa sa maunlad na kooperatiba sa Obando.