Pinaunlakan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro ang hiling na "groufie" ng isa sa mga naghandog ng sariling dugo, sa isinagawang Mobile Blood Donation Drive ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan noong Sabado, Hulyo 30 sa Bulacan Capitol Gymnasium, Lunsod ng Malolos.- Larawan mula sa Tanggapan ni Bise Gobernador Alex Castro

LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nagsagawa ng Mobile Blood Donation Drive ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan noong Sabado, Hulyo 30 sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lunsod na ito.

Layunin ng nasabing programa na mabenepisyuhan ang mga Bulakenyong nangangailangan ng dugo na nasa mga pampubliko at pampribadong ospital.

Pinangunahan ng Provincial Health Office ang pangongolekta ng dugo sa tulong na rin ng Central Luzon Center for Health Development-Regional Voluntary Blood Services Program at Damayang Filipino Movement, Inc.

Nakakolekta ang lokal na pamahalaan ng 252 bag ng dugo na nagmula sa mga nangunang donor na kapulisan ng lalawigan, kawani ng kapitolyo at kasapi ng ibat-ibang samahang pangsibiko.

Kabilang rito ang mga grupong Kabalikat, Ulirang Ina, BHW Federation of Bulacan, Triskelion De Bulacan Provincial, 304th Army Reservist, Civil Security Unit, Provincial Civil Security and Jail Management Office at Pulo ng Iilan Masonic Lodge No. 439.

Personal namang pinasalamatan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Alex Castro ang mga naghandog ng dugo para sa ipinakitang kabayanihan na maaaring magligtas ng maraming buhay.

“Maraming salamat po sa inyong ginawang pagmamalasakit sa ating kapwa Bulakenyo. Diyos na po ang bahalang gumanti sa inyong kabutihan,” ani Gob. Fernando.

Pakikiisa ng Lalawigan ng Bulacan ang
programang Mobile Blood Donation sa  pagdiriwang ng National Blood Donor’s Month, base na rin sa Proclamation No. 1021 na may petsang July 9, 1997, kung saan Hulyo ang itinalagang buwan ng pagdiriwang nito.