LUNSOD NG MALOLOS, BULACAN– Upang talakayin ang mga kasalukuyan at panghinaharap na proyekto sa lalawigan, nakipagpulong si Gobernador Daniel R. Fernando kay San Miguel Corporation (SMC) President at Chief Executive Officer Ramon S. Ang nitong Lunes, Setyembre 5.
Kabilang sa mga paksa na inihain sa hapag ang pagiging accessible ng itinatayong New Manila International Airport sa Bulakan, Bulacan sa mungkahing Bulacan Mega City sa mga bayan ng Balagtas, Bocaue, at Pandi na iprinisinta ni Punong Bayan ng Pandi Enrico Roque.
Ayon sa gobernador, mahalaga na nagtutugma ang mga ganitong klase ng pag-unlad sa iba pang bahagi ng lalawigan.
Samantala, ibinihagi ni RSA kay Fernando na dalawa sa ilang iminumungkahing access roads patungo sa Bulacan airport ang Marilao Interchange at Tabang Interchange sa Guiguinto.
Sa kabilang banda, bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility, ibinalita ni RSA na kasalukuyang nagsasagawa ang SMC ng malawakang dredging project sa apat na pangunahing river system sa lalawigan.
Nangako rin si RSA na patuloy na aalamin at tutulong sa paghuhukay ng iba pang lokal na ilog sa lalawigan bilang tugon sa kahilingan ng gobernador, at karagdagan sa walong kasalukuyang dredging project sa Bulacan.
Sinabi rin niya na naipreserba ang 300-ektaryang Bulakan Mangrove Ecopark sa kabila ng ginagawang kontruksyon ng paliparan sa Bulacan.
“Ngayon pong panahon ng tag-ulan, magandang balita po para sa mga Bulakenyo na marinig natin mula mismo kay Sir Ramon Ang na katuwang natin sila sa paggawa ng hakbang upang maprotektahan ang ating kalikasan. Patunay po nito na kayang pagsabayin ang pag-unlad at pagpreserba ng ating mga likas na yaman,” anang gobernador.
Pinasalamatan rin ni Fernando si Ang sa pagpaparating ng pinansyal na tulong para sa pag-a-update ng Provincial Development and Physical Framework Plan ng Bulacan.