Masayang nanunuyo, sa ikatlong pagkakataon sa mga Bulakenyo si Atty. Anel Diaz, 1st Nominee ng Pamilya Ko Party-List (#150) sa balota, bar topnotcher taong 2003, sa isinagawa nilang caucus at house-to-house campaign nitong Lunes, Mayo 5 sa Woodbridge Subdivision, Poblacion, Pandi, Bulacan. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

Bar Topnotcher ang 1st Nominee

BAYAN NG PANDI, Bulacan – Muling nanuyo ang Pamilya Ko Party-List sa pangunguna ni 1st Nominee Atty. Anel Diaz sa mga Bulakenyo nitong Lunes, Mayo 5 sa Woodbridge Subdivision, Brgy. Poblacion sa bayan na ito

Sa ikatlong beses sa Bulacan at huling pangangampanya sa lalawigan,  personal na inilahad muli ni Atty. Diaz sa isang caucus na ginanap sa Woodbridge Covered Court, ang kanilang adbokasiya para sa tinawag nilang “LOVABLES” na kumakatawan sa mga Live-in parents, OFW parents, Victims of domestic abuse, Adoptive families, LGBTQIA+ families, Elderly at extended families, at Single o Solo parents.

Higit sa 1,000 residente ang nakadalo at nakiisa sa programa ng grupo na nag- aalok ng serbisyong may malasakit sa pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng Pamilya Ko Party-List na numero 150 sa balota.

Nakasenyas ng “love” na nagpakuha ng larawan sina Atty. Anel Diaz (gitna), 1st Nominee ng Pamilya Ko Party-List at Kapitan Rosario Alcaraz (Ika-2 sa kanan) ng Brgy. Poblacion, kasama ang ilan sa mga dumalong residente ng Woodbridge Subdivision matapos ang paglalahad ng mga plataporma nang nasabing party-list para sa mga pamilyang Pilipino. – Larawang kuha ni Harold T. Raymundo

De-kalibreng kinatawan ng mga marginalized sectors, isang abogado si Atty. Diaz na nagtapos ng abogasya sa Ateneo de Manila University at pinalad na maging bar topnotcher noong taong 2003, at sa kanyang pagtatrabaho, karamihan sa kanyang hinawakang mga kaso ay patungkol sa mga magkakapamilya.

Kaya sumibol ang pagnanais niyang makalinga ang bawat miyembro ng pamilya at naisama na ang mga “LOVABLES,” na itinuturing sa kasalukyang panahon na mga makabagong pamilyang Pilipino.

Sa kanyang mensahe pagkatapos magbigay ng mga boluntaryong pagpapatotoo ang mga panauhin patungkol sa adbokasiya ng Pamilya Ko Party-List, nilinaw ni Atty. Diaz  na ang anyo nang magandang pamumuhay ay nakasalalay sa bawat isang pamilyang naghahanap ng totoo at tunay na masisilungan sa panahon ng kagipitan.

Si lola ang unang nakamayan at sinuyo ni  Atty. Anel Diaz, 1st Nominee ng Pamilya Ko Party-List nang magsagawa ng house-to-house campaign ang nasabing party-list nitong Lunes, Mayo 5 sa Woodbridge Subdivision, Poblacion, Pandi, Bulacan.– Larawang kuha ni Harold T. Raymundo
 

Bitbit rin ng Pamilya Ko Party-List ang mga proyektong pangkabuhayan, o livelihood para sa mas masaganang kinabukasan ng pamilyang Pilipino sa bansa, katuwang ang Pamilya Ko Foundation.

Bukod sa mga inihandang pampasiglang bilang ng mga kasama ni Atty. Diaz, pinagbigyan din ng 1st nominee ng Pamilya Ko Party-List na awitan ang mga dumalo sa himig ng “Kisapmata,” na lalong nagpasaya sa programa.

Pagkatapos nang isinagawang caucus ay nilibot nila Atty. Diaz ang mga kabahayan ng Woodbridge Subidvision para personal na makamayan at makausap ang mga residente at hingin ang kanilang pagtitiwala at iboto ang Pamilya Ko Party-List.

Sa kasalukuyan, nasa 12 lalawigan na ang napuntahan  ng Pamilya Ko Party-List,  kabilang dito ang Cebu, Tawi-Tawi, NCR, Bacolod, Bataan, Batangas, Cavite, General Santos City, Iloilo, Manaoag Pangasinan, Dumaguete, Manila, Lucena, Negros, Rizal at Bulacan. ###