Nagbibigay ng mensahe si Pandi Mayor Rico Roque sa harapan ng mga kawani at opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Pandi, matapos ibasura ni Presiding Judge Rowena Violago Alejandria ng Caloocan Regional Trial Court Branch 121, ang mga kasong panggagahasa laban sa kanya, Konsehal Jonjon Roxas at Rogelio Raymundo Jr. -- Harold Raymundo

Kasong panggagahasa ibinasura ng Caloocan RTC

BAYAN NG PANDI, Bulacan — Absuwelto sa kasong panggagahasa sina Pandi Mayor Rico Roque, Konsehal Jonjon Roxas, at Rogelio Raymundo, Jr. matapos ibasura ng Caloocan Regional Trial Court Branch 121 ang reklamo laban sa kanila.

Dinismiss nang nasabing korte ang bintang sa mga akusado nang mapatunayang wala itong basehan at walang katotohanan bunsod na rin ng mga kahina-hinalang ebidensya at pagkakakilanlan ng nagrereklamo.

Base sa desisiyong inilabas ni Presiding Judge Rowena Violago Alejandria noong Pebrero 25,  pansamantalang ibinabasura ang mga kaso nang panggagahasa laban kina Mayor Roque, Konsehal Roxas at Raymundo dahil sa kahina-hinalang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng nagrereklamo at hindi pagdalo sa mga pagdinig.

Ayon pa sa korte, napatunayang hindi totoo maging ang medico-legal na isinumite ng nagrereklamo, gayundin ang blotter nito dahil wala ito sa mga dokumento ng Women and Children Protection Desk ng Caloocan City Police Station.

Nauna nang sinabi ni Roque na “politically motivated” ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya at kina Roxas at Raymundo,

Napag-alaman ng korte na ang complainant, na kinilalang si Mikaela Mariano, ay hindi kailanman umiral batay sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA). Hindi mahanap ang address na ibinigay niya, at peke pala ang medico-legal na ipinakita niya.

“Noong tinawag ang kaso, wala pa ring pagpapakita sa bahagi ng pribadong nagrereklamo…sa kabila ng personal na serbisyo ng subpoena na ipinadala sa kanya. Ang pagbabalik ng subpoena na ipinadala sa nasabing pribadong nagrereklamo ay nagpapakita na ‘hindi mahahanap.’ Ang talaan ay higit pang nagpapakita na ito ang pangalawang pagkakataon na ang pribadong nagrereklamo ay nabigong humarap sa kabila ng abiso,” sabi nito.

“Samakatuwid, dahil sa paulit-ulit na kabiguan ng pribadong nagrereklamo na humarap sa kabila ng abiso at sa mosyon ng tagapagtanggol ng depensa, hayaan ang kasong ito na pansamantalang i-dismiss nang may malinaw na pagsang-ayon ng akusado,” sabi ni Alejandria sa kanyang kautusan na may petsang Pebrero 25, 2025.

Noong Disyembre 17, inaresto sina Roque, Roxas at Raymundo sa isang Christmas party na idinaos nila para sa mga senior citizen ng lunsod sa resort na pag-aari niya rito.

Ang mga miyembro ng Northern Police District (NPD) ang nagsilbi sa kanila ng warrant of arrest batay sa mga kasong isinampa ni Mariano noong Abril 2019.

Noong Disyembre 23, iniutos na palayain si Roque at ang dalawang iba pa kasunod ng pagbigay ng korte sa kanilang mosyon na ipawalang-bisa ang warrant of arrest matapos ang “argu[ing] hindi sila nakatanggap ng kopya ng reklamo…thereby effectively denying them their opportunity to be informed of the facts and circumstances of the charges.”

Noong Enero 22, naglabas din ang korte ng motion to withdraw information, na nagsasaad na hindi sapat na bigyang-katwiran ang karagdagang legal na aksyon laban kay Roque et al o sa kanilang sakdal.

Ipinag-utos ng korte ang agarang pagpapalaya sa alkalde at sa dalawang iba pa at ang tuluyang pagbasura sa kanilang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya at malalang pagkakaiba sa alegasyon.

Ayon sa utos, dalawang beses na binigyan ng subpoena ang complainant, ngunit nabigo ang mga ito na dumalo sa mga pagdinig.

Sinabi naman ng kampo ni Roque na ang kasong kriminal na inihain laban sa alkalde ay isa lamang umananong direktang paninira sa kanyang pagkatao at public image. Dagdag pa nila ang kasong ito ay nagbigay ng kahihiyan kay Roque hindi lamang may kaugnayan sa pulitika kundi isang pagnanakaw na rin sa kanyang mga karapatan bilang tao dahil sa mga walang katotohanan at inimbentong akusasyon laban sa kanya.