Nagbibigay ng mensahe si PCol. Relly B. Arnedo, ang bagong itinalagang hepe ng Bulacan Police Provincial Office sa isinagawang ceremonial turnover rites nitong Miyerkules, Setyembre 7 sa Kampo Heneral Alejo Santos, Lunsod ng Malolos. - BPPO

KAMPO HENERAL ALEJO SANTOS, LUNSOD NG MALOLOS, Bulacan – Itinalaga si PCol. Relly B. Arnedo bilang Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office o BPPO sa isang ceremonial turnover rites nitong Miyerkules, Setyembre 7 sa Bulacan Provincial Headquarters sa Kampo General Alejo S. Santos sa lunsod na ito.

Pinangasiwaan ni PBGen. Cesar A. Pasiwen, Regional Director ng Police Regional Office o PRO3, ang nasabing seremonya sa paghirang sa bagong Provincial Director.

Pormal na itinalaga si PD Arnedo bilang OIC nitong Lunes, Setyembre 5,  na dating hepe ng Regional Investigation Detection and Management Division o RIDMD ng PRO1. 

Pinalitan ni PD Arnedo si PCol. Charlie Cabradilla na nagsilbing Acting Provincial Director ng BPPO sa loob ng limang buwan.

Bilang bagong hepe ng Bulacan PNP, sisikapin ni PD Arnedo na magampanan ang kanyang bagong responsibilidad na may dedikasyon at pagdamay.

Binigyang-diin ni PD Arnedo na sa kanyang pamumuno, ang buong puwersa ng kapulisan sa Bulacan ay patuloy na magtatrabaho ng walang kapaguran at  palalakasin pa ang kampanya laban sa mga ipinagbabawal na droga at terorismo.

Lalabanan din nila ang lahat ng klase ng kriminalidad para mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa buong Lalawigan ng Bulacan.

Patatatagin pang lalo ni OIC Arnedo ang pagpapatupad ng programang “internal cleansing” ng Philippine National Police at hindi niya kukunsintihin ang mga itinuturing na “bad apples” sa kanilang organisasyon.

Mahigpit namang paninindigan ni Col. Arnedo ang mga inisyatibo sa paglaban sa krimen habang pinapalakas ang suporta sa pagbalangkas ng kapayapaan at seguridad sa pamamagitan ng “MKK=K” o Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan dulot ay Kaunlaran, na dinagdagan pa ng programang “KASIMBAYANAN,” o Kapulisan, Simbahan, at Pamayanan.