Nagpakuha ng larawan kay Mayor Leonardo “Ding” Valeda (ikatlo sa kaliwa) ang mga opisyal ng Philippine Red Cross Bulacan Chapter sa pangunguna ni Chapter Administrator Ric Villacorte (ikalawa sa kaliwa) matapos makipagpulong para sa pagtatatag ng satellite office sa Bayan ng Obando. Nasa larawan din sina Konsehal Evangeline Bernardo Bautista (kaliwa) at Konsehal Lawrence Banag na parehong magiging focal person para maisakatuparan ang nasabing mithiin.-- Royce Ruiz Aguinaldo/Ramon Agustin-Obando PIO

BAYAN NG OBANDO. Bulacan – Nakipagpulong kay Mayor Leonardo
“Ding” Valeda ang mga opisyal ng Philippine Red Cross Bulacan Chapter
sa pangunguna ni Chapter Administrator Ric Villacorte nitong Huwebes
Nobyembre 3 sa Tanggapan ng Punong Bayan, Brgy. Paliwas sa bayan na
ito.
Nais ng PRC Bulacan na magtatag ng isang satellite office sa nasabing
bayan para mailapit sa mga Obandenyo at mabilisang maihatid ang
serbisyong kanilang inihahandog sa mamamayan.
Ang buong PRC ay isang non-profit organization na kasapi ng International
Red Cross at itinatag noon taong 1947.
Nakatuon ang nasabing ahensya sa mga social welfare service partikular
ang mga aktibidad sa pangongolekta ng donasyong dugo at isinusulong
ang volunteerism.
Inatasan naman ni Mayor Valeda sina Konsehal Evangeline Bernardo
Bautista at Konsehal Lawrence Banag bilang mga focal person ng
pamahalaang bayan para sa pakikipagugnayan upang agarang maisaayos
ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Obando LGU at PRC
Bulacan.

Magiging malaking kaluwagan sa mga Obandenyo ang inaasahang
resultang ihahatid nang naturang proyekto, na hindi na bibiyahe pa nang
mahigit sa apat na oras papunta at pabalik ng Kapitolyo ng Malolos kung
saan naroroon ang opisina ng PRC Bulacan Chapter.
Matapos makipagpulong kay Mayor Valeda, nagbigay-pugay din ang mga
opisyal ng PRC Bulacan kay Vice-Mayor Arvin Dela Cruz.