HAGONOY, Bulacan—Bumagsak ang presyo ng bangus sa bayang ito matapos ang pananalasa ng bagyong Glenda noong Hulyo 16.
Ito ay dahil sa pagkasira ng mahigit sa 50 porsyento ng may 13,000 ektaryang palaisdaan at mga fish cages sa baybayin ng bayaing ito na nakaharap sa Manila Bay kung saan dumaan ang mata ng bagyo.


Ayon Pedro Santos, bise-alkalde ng bayang ito, bumaba sa P30 hanggang P40 bawat kilo ang presyo ng bangus matapos ang pananalasa ng bagyo.


“Hanggang nitong Biyernes (Hulyo 18), bumaba sa P40 ang kilo,” ani ng Bise-Alkalde patungkol sa presyo ng bangus na ang dating presyo bago bumagyo ay umaabot ng P110 bawat kilo.


Isa sa itinuturong dahilan ay ang pagkasira ng mga pilapil ng palaisdaan at mga bakod ng fish cages na nasa baybayin ng Hagonoy.


Dahil dito, tumapon onakawala sakailugan ay baybayin ng Manila Bay ang inaalagaang bangus.


Ayon kay Santos, nagdulot ng pagkalugi sa mga namamalaisdaan ang pagkasira ng kanilang palaisdaan, ngunit nakinabang naman ang maliliit na mangingisda.


Kinatigan din ni Mayor Raulito Manlapaz ang pahayag ni Santos hinggil sa pakinabang ng maliliit na mangingisda na naglarawan sa karanasan bilang pamamaraan ng kalikasan upang ipamahagi ang biyaya.


Sa panayam ng Mabuhay kay Manlapaz, sinabi niya na halos 50 porsyento ng may 13,000 ektrayang palaisdaan sa bayang ito ang nasalanta.


Ito ay nangangahulugan na halos 5,000 ektarya ng mgha palaisdaan at fish cages ang napinsala ng storm surge na hatid ng bagyong Glenda.


“Malaki ang pinsala sa ating aquaculture, pero nakinabang ang maliliit nating kababayan. Sana ay makatulong iyon sa kanilang mabilis na pagbangon,” ani Manlapaz.


Sa pagbisita naman ng Mabuhay sa mga Barangay Pugad at Tibaguin noong Biyernes, Hulyo 18 ay nasaksihan ang masaganang huli sa bayabaying dagat.

Ito ay masasalamin sa mga bangus na dinaing at ibinilad sa araw upang matuyo na nakunan ng larawan sa Barangay Tibaguin.
.Bukod dito, nakunan din ng larawan ngMabuhay ang mga batang naglalaro sa gilid ng dagat habang hawak ang maliit na lambat na may huli o nakatingang isda.


Para namn sa mga Kagawad ng Barangay Pugad na sina Ariel Dela Cruz at Renato Gregorio, karaniwang nakakaranas ng masaganang huli sa baybayin ng Bulacan matapos ang bagyo.

Ngunit sa paglisan ng bagyong Glenda, sinabi nila na mas marami ang nahuhuling bangus sa karagatan.
“Parang ipinamahagi lang ang biyaya sa maraming tao,” sabi ni Dela Cruz.


Kaugnay nito, iniulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) na umabot sa P29,349,965 ang halaga ng inisyal na pinsala sa pangisdaan sa lalawigan.


Bahagi ng nasabing inisyal na ulat na umabot sa 1,087.10 ektarya ng palaisdaan sa lalawigan ang nasalanta at naapektuhan ang 322 namamalaisdaan.  Dino Balabo