CAMP OLIVAS, LUNSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga – Isang araw bago ang bisperas ng Bagong Taon ay muling pinaalalahanan ni Central Luzon PNP Regional Director PBGen. Redrico A. Maranan ang publiko na iwasan ang paggamit ng mga iligal na paputok upang maiwasan ang mga aksidente ngayong Kapaskuhan.
Kasabay nito, naglabas ang Police Recional Office o PRO3 ng listahan ng 261 na community firecracker zones sa buong rehiyon na kinabibilangan ng Aurora-15; Bataan-5; Bulacan-85; Nueva Ecija- 28; Pampanga-24; Tarlac- 64, at Zambales-40.
Dagdag pa rito, mayroong 133 fireworks display areas sa mga sumusunod na probinsya na kinabibilangan ng Aurora – 2; Bataan – 5; Bulacan-46; Nueva Ecija – 27; Pampanga – 15; Tarlac – 9; Zambales – 27, at Lunsod ng Angeles – 2.
“Muli naming hinihikayat ang publiko na umiwas sa paggamit ng mga iligal na paputok upang maiwasan ang anumang pinsala. Sa halip, maaari nating salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng iba pang paraan ng kasayahan,” dagdag pa ng Heneral. – Ni Harold T. Raymundo