LUNSOD NG SAN JOSE DEL MONTE, Bulacan – Ipamamana ng Department of Transportation (DOTr) sa susunod na administrasyon ang konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 7 na umakyat na sa 65% ang progress rate.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Railways Timothy John Batan, bunsod ito ng pagsisimula ng konstruksiyon ng depot o magiging garahe ng mga tren nitong MRT 7.
Anim na train sets na ang dumating sa bansa na ngayo’y pansamantalang nakagarahe sa isang bahagi ng 22-kilometro ng railway tracks. Bahagi ito ng kabuuang 36 train sets na may tig-tatlong bagon na magkakadugtong na ginawa sa South Korea.
Sa bagong target na full operation sa taong 2023, tatakbo ang mga tren ng MRT-7 mula sa San Jose Del Monte City sa Bulacan hanggang sa bubuksang Unified Grand Central Terminal sa EDSA-North Avenue sa Quezon City.
Doon literal na masasalubong ng mga tren ng MRT-7 ang mga tren ng MRT-3 na katatapos lang isailalim sa rehabilitasyon at ang LRT-1 na pinapahaba hanggang sa Cavite.
Ibig sabihin ayon kay Usec. Batan, hindi lamang magiging madali para sa mga Bulakenyo na lumuwas sa Quezon City mula sa silangang bahagi ng Bulacan, kundi maging ang pagbiyahe patungo sa iba pang bahagi ng Metro Manila at katimugang Luzon.
Kayang maglulan ang mga tren ng MRT-7 ng 300 hanggang 850 libong mga pasahero kada araw. Higit na mapapabilis ang biyahe mula sa San Jose Del Monte City hanggang sa Quezon City mula sa ngayo’y dalawang oras na magiging 30 hanggang 35 na minuto.
Nagkakahalaga ang proyektong ito ng P77 bilyon na isinakatuparan noong taong 2017 bilang bahagi ng Build-Build-Build Infrastructure Program ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.Ipinatayo ng DOTr ang MRT-7 sa pamamagitan ng sistemang Built-Operate-Transfer (BOT) na isang mekanismo ng Public-Private Partnership (PPP) kung saan ang Mass Rail Transit 7 Inc. ng San Miguel Corporation Infrastructure ang konsesyonaryo.
Binigyan ng pamahalaan ang naturang kumpanya ng konsesyon upang mamuhunan, magtayo at magpatakbo ng operasyon ng MRT-7 sa loob ng 25 na taon.
Kaugnay nito, nakatakda namang pahabain ang MRT-7 mula sa San Jose Del Monte City patungo sa New Manila International Airport (NMIA) sa Bulakan, Bulacan na tatawid sa mga bayan ng Marilao, sa ibabaw ng North Luzon Expressway (NLEX) hanggang sa makarating sa NMIA. – Shane Frias Velasco/PIA-3