LUNSOD QUEZON — Sinampahan nitong Biyernes, Setyembre 15 ng panibagong reklamo ni Aljean Abe, isang dating teaching aid sa Brgy. Kaligayahan, Novaliches sa lunsod na ito ang kanilang Brgy. Kapitan na si Alfredo ‘Freddy’ Roxas.
Ang reklamong inihain ni Abe sa tanggapan ng Ombudsman laban kay Kapitan Roxas ay ukol sa Grave Coercion na may kaugnayan sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Abe sa tanggapan ng Ombudsman, nag-ugat ang kanyang bagong reklamo nang makaranas siya at ng kanyang pamilya ng panghaharass at pananakot mula kay Kapitan Roxas at sa mga tauhan nito.
Dagdag pa ni Abe, nagsimula diumano ang panghaharass sa kanya ni Kap. Roxas at ng mga tauhan nito ng malaman ni Roxas ang pagsampa niya ng reklamo sa tanggapan ng Office of the Ombudsman noong Setyembre 11, 2023.
Sa nasabing reklamo ay inakusahan ni Abe ang grupo ni Kapitan Roxas ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practises Act at Falsification of Public Documents dahil sa paggamit diumano ni Roxas ng “Ghost Employee.’
Matapos daw maisampa ang nasabing reklamo ay nagdagsaan na ang mga missed call sa cellphone ni Abe mula sa iba’t ibang numero na hindi naman naka-save sa kanyang phone book.
Bukod pa daw dito ay iba’t ibang mensahe na rin ang kanyang natanggap sa kanyang facebook messenger.
Kabilang umano sa mga nagpadala sa kanya ng mensahe ay sina Mark Roldan Santiago Sedilla at Jennilyn Guiling Montefalco na pawang empleyado ng Brgy. Kaligayahan sa Quezon City at kilalang mga tagasuporta ni Kap. Roxas.
Para na rin daw sa kanyang kaligtasan, pansamantala munang lumipat ng tirahan si Abe at kanyang asawa.
Subalit laking gulat ni Abe na nito lamang daw ika-12 ng Setyembre ay pinuntahan siya ng mga tauhan ni Kap. Roxas na sina Melanie Aviguetero, Jamaica Jallorica at isang lalaki na hindi niya kilala, gamit pa ang service vehicle ng Brgy. Kaligayahan.
Nais daw ng mga tauhan ni Roxas na kunan siya ng litrato subalit hindi siya pumayag.
Ika-14 naman ng Setyembre 2023 nang muling makatanggap si Abe ng mensahe na ipinararating umano ni Kap. Roxas. Ayon kay Abe, pinapatanong daw ni Roxas kung bakit siya nagsampa ng reklamo laban dito.
Tinanong din daw umano siya kung ano ang kanyang gusto.
Kung tulong pinansyal umano ay matutulungan siya ni Roxas at kaya rin daw siya nitong ibalik sa trabaho sa barangay.
Kailangan lang ni Abe na magpunta sa barangay at pumirma ng mga dokumento sa harap ng abogado.
Binantaan din umano si Abe na kailangan niyang sumagot hanggang Setyember 15 kung hindi ay asahan nyang may isasampang kaso laban sa kanya ang kampo ni Kap. Roxas.
Dahil sa mga nasabing pangyayari, na nagdulot ng pangangamba sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya, ay nagdesisyon na si Abe na muling magreklamo sa Ombudsman.
Matatandaan na isang Hernando Compedio ang nagsampa din ng reklamong Anti-Graft and Corrupt Practises Act laban kay Kapitan Roxas dahil sa paggamit ng kanyang pangalan para umano makakolekta ng sweldo sa Quezon City Hall, kahit hindi na empleyado ng Brgy. Kaligayahan si Compedio.
Reklamong paglabag din sa Anti-Graft and Corrupt Practises Act ang isinampa ng isang Brgy. Kagawad laban kay Punong Barangay Alfredo ‘Freddy’ Roxas, dahil naman sa pag-apruba sa isang resolusyon na hindi dumaan sa regular session ng Barangay — Ni Perfecto T. Raymundo, Jr.