Dinaluhan ng 120 kabataan mula sa iba’t ibang relihiyon ang kauna-unahang Religious Peace Youth
Camp 2022 na idinaos ng HWPL Philippines noong ika-21 at 22 ng Hunyo, 2022. Sa temang “Breaking
the Boundaries, Enlightening One’s Belief of the Youth,” layon nitong bigyang boses ang mga kabataan
tungo sa mapayapang paglutas ng mga sigalot na dala ng mga hidwaan sa relihiyon o di
pagkakaintindihan.


Ang nag-organisa nito, ang Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL), ay isang
internasyonal na nonprofit organization na nagtataguyod ng kapayapaan sa mundo at pagtigil ng
digmaan. Isa sa mga pangunahing hakbangin nito ay ang pagtataguyod ng pagkakasundo sa mga
relihiyon sa pamamagitan ng interfaith dialogues. Ang HWPL ay nagsasagawa ng mga regular na
interfaith dialogue sa pamamagitan ng World Alliance of Religions for Peace (WARP) Office na
dinadaluhan ng mga lider ng iba’t ibang relihiyon.


Sa unang araw, binisita ng mga kabataan ang mga lugar sambahan ng Islam, Kristiyanismo, Hinduismo
at Sikhismo at natutunan ang tungkol sa kanilang kultura sa pamamagitan ng Virtual Tour. Sinubok din
ang kanilang kaalaman sa iba’t ibang relihiyon sa World Religion Quiz.


Ukol sa papel ng mga kabataan sa pagpapalaganap at pagtataguyod ng pagkakasundo ng mga relihiyon,
sinabi ni John Erick Z. Cortez, isang senior high school student, “Bilang kabataan, makakatulong tayo na
ipalaganap ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga relihiyon. Ang mga interfaith na pag-uusap at
pagtitipon ay makakatulong upang maunawaan natin ang iba’t ibang relihiyon sa pagtupad ng iisang
layunin. Sa kabila ng ating mga pagkakaiba sa relihiyon, edad, kultura, pananaw at paniniwala, hindi ito
dapat maging dahilan upang magkahati-hati tayo, bagkus, dapat tayong magkaisa upang magsilbing
inspirasyon at gabay na kailangan ng mamamayan para makasulong tungo sa di-karahasan.”


Sa ikalawang araw, naglaro sila ng board game na may iba’t ibang sitwasyon hango sa totoong buhay
batay sa pagkakaiba sa mga relihiyon. Nasaksihan din nila ang isang interfaith dialogue sa pagitan ng
mga representante ng Kristiyanismo, Hinduismo at Islam sa pamamagitan ng WARP Office upang
magkaroon ng kamalayan sa Freedom of Religion at upang pagtibayin ang paggalang sa mga
karapatang pantao at pagkakaiba-iba ng mga relihiyon.


Ibinahagi ni Sheikh Abdulatip Amilin Kanjang, Pangulo at Founder ng Awldul Islam Association Inc., ang
kanyang mga naranasang stereotype, “Sa Islam, mayroong positibo at negatibong mga stereotype
pagdating sa relihiyon. Sa positibong panig, sinasabing ang Islam ay religion of neutralization. Ang Islam
ay napakarelihiyoso dahil nagdarasal sila ng limang beses sa isang araw at marami silang mga batas na
sinusunod. Iyan ang nakikita nating mga positibo pero ang nakakalungkot, ang negatibong bagay sa
kasaysayan ng Islam ay kawalan ng hustisya, Islamophobia, kritisismo, media bias, radikalismo, at ang
mga salitang ‘extremist’ at ‘terrorist’.”


Ukol naman sa solusyon sa mga stereotype na ito, tinalakay ni Prabhu Ambrisa ng Sri Sri Radha
Madhava Mandir, “Hilig ng mga tao na makihalubilo sa mga taong may mas mahusay na sistema ng
paniniwala, na nakakaalam kung sino sila at kung ano ang kanilang kakayahan. Ito ay isang positibong
stereotype—isang malinaw na modelo ng kanilang pananaw sa mundo, at sa kabilang banda, ang
negatibong panig ay dahil sa katotohanan na ang ilan sa atin ay walang relihiyosong paniniwala, hindi
sumusunod sa tradisyon, walang ideya kung ano ang kanyang kultura o paglimot sa ating mga
pagpapahalaga. Tulad ng ginagawa ng HWPL, inaalam namin ang lahat ng impormasyon tungkol sa
ibang mga relihiyon, tungkol sa kanilang kasanayan at mga paniniwala upang magkaroon kami ng mas
maunawaan namin at magresulta sa pagkakaroon ng mga positibong stereotypes.


Nabuo din ang mga grupo para magtalakayan sa breakout rooms. Ayon kay Sean Michael A. Curato, isa
sa mga kalahok, “Nabigyan ako ng pagkakataon na tingnan ang pananaw ng ibang relihiyon ngayon
napagtanto ko na hindi dapat ang pagkakaiba-iba ang siyang naghahati sa atin, sa halip, ito ang dapat na
maging common denominator na sa kabila ng mga pagkakaiba, nabubuhay pa rin tayo sa isang mundo
na may maraming mukha, kulay, paniniwala at tradisyon. Break Barriers, Break Walls, Break Stereotypes.
Hindi na kailangan ng ating mundo ng higit pang paghuhusga, sa halip, kailangan nito ng mas maraming
tao na makikinig, uunawa, at mga taong isasakatuparan ang kapayapaan sa mundo sa kasalukuyan.”


Ang HWPL Philippines ay magsasagawa ng buwanang Youth WARP Office para ihanda ang susunod na
henerasyon tungo sa pagtataguyod ng interfaith harmony. Maghahanda rin sila ng iba’t ibang aktibidad
para sa mga kabataan at magtatatag ng mga Peace Club sa loob ng mga katuwang na paaralan ng
HWPL.