Isa na namang kapabayaan sa pagmamay-ari ng baril ang kumitil sa buhay ng
isang estudyanteng menor de edad sa Muzon, San Jose Del Monte City, Bulacan.
Nagawang maipasok sa loob ng eskuwelahan ng 12 taong gulang na lalaking
bitktima at doo’y aksidenteng pumutok sa sarili ang ipinuslit na baril at tumama
ang bala sa parte ng kanyang baba at lumabas sa bahagi ng ilong .
Buti na lamang at walang iba pang nadamay na inosenteng kamag-aral, guro o
kawani ng paaralan, ngunit masakit na pangyayari sa kapamilya ng biktima.
At paano nakalusot at nakapasok sa loob ng eskuwelahan ang isang estudyanteng
may dalang nakamamatay na sandata?
Wala bang tumitingin sa mga dala ng pumapasok sa loob ng paaralan? Na siyang
dapat ipatupad ng administrasyon nito?
Ang nakalulungkot pa nito. mismong sa ama ng biktima ang baril na isang opisyal
ng kapulisang nakadestino sa Camp Crame, Quezon City. Opisyal ding naka-isyu sa
pulis ang nasabing baril.
Ang inaasahan sana nating kagawad ng pulis na mangangalaga sa atin lalo pa ng
kanyang mismong pamilya ay kabaligtaran at masakit na trahedya ang
kinasapitan, na lubos niyang pinagsisihan.
Ilagay na nating, itinagong mabuti ng amang pulis ang baril sa ligtas at selyadong
lalagyan para hindi ito makuha ng kanyang anak o ng iba pang kasama sa kanilang
tahanan.
Bakit nagawa pa ring maipuslit ng bata ang sandata, na nakamamatay sa walang
pagsasanay sa tamang paghawak nito?
Maituturing ba nating kapabayaan ng pulis ang nasabing aksidente? O
maikakatwiran ng amang pulis na hindi niya alam na nakuha pala ito ng kanyang
nasawing anak?
Dito na pumapasok ang kahandaan ng isang indibidwal sa pagmamay-ari at
paghawak ng baril. Lalo pa sa isang pulis na katulad niya, na siya namang
inaasahan.
Siguraduhin sana ng bawat ligal na nagmamay-ari ng baril na walang ibang
makahahawak nito maliban sa kanyang sarili.
Puwera na lamang kung nasanay niyang mabuti at binigyan ng oryentasyon ang
kapamilyang kasama niya mismo sa kanyang tinitirhan.
Pamamaraang isinasagawa ng samahang B.A.R.I.L. o Balahang Armas Bahagi ng
Responsable at Industriyang Legal na itinatag ni Bulacan Environment and Natural
Rersources Officer Atty. Julius Victor Degala o mas kilalang Atty. Juvic sa malalapit
sa kanya.
Kahanay ng PRO GUN o Peaceful Responsible Owners of Guns na nagaadbokasiya
sa Responsableng Pagmamay-ari at Paghawak ng Baril.
Wala na sanang maging biktima ang sandatang napasakamay ng isang
iresponsableng indibidwal.