BAYAN NG OBANDO, Bulacan – Sinimulan ng Pamahalaang Bayan ng Obando sa
barangay ng San Pascual ang Retooled Community Support Program o RCSP
Barangay Caravan nitong Sabado, Enero 28 na ginanap sa San Pascual Elementary
School.
Ang RCSP ay programa ng Department of Interior and Local Government o DILG sa
pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan para maibaba sa bawat barangay ang
ilang pangunahing serbisyo na makatutulong sa mamamayan nito.
Pinangunahan ni Mayor Leonardo ”Ding” Valeda ang pagsasaayos ng kalakaran at
sistema sa nasabing caravan para sa magandang daloy ng pagpapatupad nito na
kapaki-pakinabang sa bawat benepisyaryo.
Nagbigay ng serbisyong medikal ang opisyal at kawani ng Rural Health Unit o RHU
sa pangunguna ni Municipal Health Officer Dr. Mike Raymundo, namahagi ng
iba’t ibang klase ng gamot at nagbakuna para sa booster shot panlaban sa CoVid-
19.
Tumulong din si Konsehal Evangeline Bautista Bernardo sa dental mission na
bahagi ng caravan at sumuportang mga konsehal na sina Felipe Dea Cruz,
Lawrence Banag at Mico Dela Paz, para sa ikapagtatagumpay ng nasabing
programa.
Pinangasiwaan naman ng mga focal person ng Municipal Social Welfare
Development Office o MSWDO ang pagrerehistro sa Philhealth, senior citizen at
persons with disabilities o PWD.
Ang iba pang inihandog na serbisyo na inilapit sa mga Obandenyo ay ang
pagparehistro sa Commission on Elections o COMELEC ng mga botanteng hindi pa
nakakapagpatala, proseso sa pagkuha ng National ID, libreng therapy sa
nakatatanda at libreng gupit para sa kabataan.
Nakapaloob din sa RCSP Barangay Caravan ang pagbibigay ng libreng bakuna para
sa mga alagang hayop na pinamahalaan ng Municipal Agriculture Office o MAO.
Gayundin ang pagsasagawa ng blood letting activity para sa mga residenteng
nagnanais magdonate ng dugo.
Dumalo rin sa pagsisimula ng caravan sina Municipal Local Government
Operations Officer Cecil Caburnay at ang mga opisyal at kawani ng Pamahalaang
Barangay ng San Pascual sa pangunguna ni Kapitan Danilo Roxas.
Ipinakalendaryo na ni Mayor Valeda ang mga susunod pang RCSP caravan sa
natitirang 10 barangay ng bayan ng Obando na nakatakdang ganapin tuwing
huling Sabado ng bawat buwan.